Ano ang hitsura ng mga multo?

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2017 04:32 PM

Tuwing panahon ng Undas, nauuso ang mga kuwento ng kababalaghan ukol sa mga kaluluwang hindi matahimik at mahilig magparamdam.

Pinatotohanan ni Atty. Nick Nangit, isang psychic at miyembro ng pangkat na Spirit Questors, ang ilang karaniwang paniniwala ukol sa mga multo.

Mayroon umanong iba't ibang hitsura ang mga multong nagpaparamdam. 

Sa katunayan, ayon kay Nangit, minsa'y hindi umano sila hugis tao.

"Mayroon kasing mga kaluluwa na kapag nakita mo, parang guhit lang, parang caricature," ani Nangit sa panayam ng DZMM nitong Linggo, Oktubre 29.

Mayroon din naman umanong mga multo na may hugis at hitsurang tao ngunit naaaninag, at mayroong mga aakalain mo'y buhay pang mga tao.

"‘Yong iba dumadaan lang, lumulutang. ‘Yong iba naglalakad talaga, kumikilos, akala mo totoong tao pero hindi talaga, hindi pala buhay," ani Nangit.

Dagdag pa ni Nangit, kadalasan kung ano ang kasuotan ng tao noong siya'y namatay, iyon din ang suot nito kapag nagiging kaluluwa na.

"Kung dugo-duguan sila o kaya’y nasaksak, kung ano man ang ikinamatay nila, ganoon din ang hitsura nila," aniya.

Kadalasan matatagpuan umano ang mga ligaw na kaluluwa sa mga lugar na may malalakas na enerhiya.

Napagkakamalan kasi ng mga hindi matahimik na kaluluwa ang enerhiya bilang liwanag na simbolo ng langit kaya naaakit sila rito.

Ito umano ang paliwanag sa mga patay-sindi na ilaw, telebisyon at iba pang de-kuryenteng kagamitan tuwing may nagpaparamdam na kaluluwa.

Wala sa sementeryo

Sa kaibahan, pinabulaanan naman ni Nangit na maraming multo ang tumatambay sa mga sementeryo.

Aniya, mas dagsa ang mga multo sa mga ospital at simbahan.

Paliwanag ni Nangit, noong may pisikal na anyo pa ang mga kaluluwa, nakilala nila ang ospital at simbahan bilang mga takbuhan tuwing nakararamdam ng pisikal at emosyonal na suliranin.

"Kapag tayo ay namatay, enerhiya na po tayo, hinahanap natin ang lunas sa ating bagong estado... Ang pupuntahan natin kung saan tayo pamilyar," ani Nangit.

Para naman sa mga residente ng Marawi, isang lugar na nakaranas ng matinding pinsala matapos ang limang buwang bakbakan, nagpayo si Nangit na ipagdasal, mapa-Muslim o Kristiyanong dasal, ang mga pumanaw dahil sa gulo.

Nakatutulong din umano ang pagtago ng asin sa pamamahay o pagtanim ng mga halaman upang makaiwas sa pagpaparamdam.

Payo ni Nangit, kapag nakaramdam ng hindi matahimik na kaluluwa, mabuting ipagdasal o pakiusapan ito na huwag manggambala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.