KILALANIN: Dalagang nais maging embalsamador

Annie Pasion, ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2017 12:25 PM | Updated as of Oct 28 2017 10:29 AM

RAMON, Isabela – Hindi para sa mahinang sikmura ang kinalakihang family business ni Rolilet Agustin.

Para kay Rolilet, hindi raw sumagi sa isipan niya na kakaiba ang negosyong punerarya sa pangkaraniwang kabuhayan.

Mortician o embalsamador ang kanyang ama. Nagtatrabaho naman sa ibang punerarya ang kanyang mga nakatatandang kapatid.

Hindi kaagad dumating ang "calling" ika nga para kay Rolilet na sumunod sa yapak ng ama. Sa katunayan, kumuha siya ng kursong Mass Communication sa Maynila.

Nang makapagtapos, umuwi siya sa probinsiya para tumulong sa punerarya. Namalagi siya rito ng isang taon.

"Tapos parang nasayangan ako sa pinag-aralan ko. Naghanap ako ng work sa Manila," kuwento niya.

Matapos ang tatlong taon sa trabaho, bumalik siya sa pamilya at ngayon ay kasama na ng ama sa pag-eembalsamo. Dito niya mas naintindihan ang halaga ng trabahong turo ng ama.

"Hindi lang siya ordinary job. Parang, in a way, parang art siya e. Kasi bukod sa delicate job siya, hindi mo lang siya gagawin for the body itself. Extension pa 'yung family na ise-serve mo," aniya.

Higit niyang natutunan ang pagpapahalaga sa naging buhay ng namayapa.

"'Yung care na ibibigay mo sa body, and to think na itong body na ito, it was once a person with dreams, with thoughts, feelings," sabi niya.

Ito rin ang prinsipyong pamana sa kanya ng ama na si Mang Roli.

"Marami 'yung mga nagtataka, bakit daw bumabata 'yung mga ineembalsamo namin. Ang sagot ko naman, 'yan ang sikreto ko. Saka 'yan ang binigay ng Panginoon na talent ko," sabi ng kanyang ama.

Ang mga ineembalsamo ni Rolilet ay hindi niya itinuturing na bangkay lang. May makahulugang mensahe raw ito sa kanya.

"'Yung being with cadavers, it brings me closer to life. Every time na andoon ako sa morgue, tinitingnan ko siya as everyday reminder na live your life," sabi niya.

Pursigido si Rolilet sa napiling propesyon. Sa darating na Enero, sasailalim siya sa Embalming Licensure Exam para maging ganap nang embalsamador.

Pagkilala raw ito sa dedikasyon ng ama na mangalaga sa mga namayapa – ang propesyon na nagtataguyod sa kanilang pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.