KILALANIN: Lumikha sa mga laruang gawa sa tsinelas na patok sa Hollywood stars

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2017 10:53 PM

Hindi inaasahan ng pedicab driver na si Elmer Padilla na darating ang panahong hahangaan ng kaniyang mga idolo ang likha nitong mga obra.

Nitong Biyernes kasi, walang iba kung hindi si "The Hulk" actor Mark Ruffalo ang nagpahayag ng kaniyang pagkahanga kay Padilla.

 

A post shared by Mark Ruffalo (@markruffalo) on

Nagalak si Ruffalo sa ipinaabot na regalo ni Padilla dahil hindi karaniwang mga materyales ang gamit, kung hindi mga lumang tsinelas.

Inabot mismo ni ABS-CBN reporter Marie Lozano kina Ruffalo at "Thor: Ragnarok" star Chris Hemsworth ang mga laruang hango sa kanilang ginagampanang superheroes. 

Hollywood stars Mark Ruffalo and Chris Hemsworth. Marie Lozano, ABS-CBN News

“I bet he is fantastic...It looks better than me," ani Hemsworth. 

Tinawag pang "genius" ni Ruffalo ang 30 taong gulang na si Padilla, at nais pa umano niyang papirmahan sa Pinoy artist ang regalong laruan sa kaniya.

Paliwanag ni Padilla, idolo niya noon pa man ang mga karakter ng Marvel na sina Hulk at Thor.

"Ito po ginawa ko po iyong mga idol ko pong mga character si Thor at si Hulk. Pinangarap ko rin po na sana mabigyan niyong pansin po iyong mga gawa ko dahil idolo ko po kayo."

'Laki sa hirap'

Ayon kay Padilla, tinuruan lamang niya ang kaniyang sariling gumawa ng laruan gamit ang iba't ibang bagay dahil sa kahirapan.

“Lumaki po ako nang walang laruan kasi po hirap po talaga ang pamilya ko...Ang ginagawa ko na lang po, hinahawakan ko na lang [ang laruan] tsaka tinitingnan. Sapat na sa akin na mahawakan ko siya tsaka kapag umuuwi ako ginagaya ko na lang po siya gamit mga tsinelas," paliwanag ni Padilla. 

Si Padilla ay nagtrabaho noon bilang pedicab driver at mangingisda sa Catbalogan, Samar bago ito magdesisyong ilipat ang kaniyang pamilya sa Maynila.

Nais sana niyang maging construction worker ngunit hindi kaya ng kaniyang bulsa ang mga kailangang requirements at ang pamasahe papunta sa site. 
 
Sa kasalukuyan, lumagpas na sa 1,400 ang followers ni Padilla sa Instagram matapos siyang i-tag ni Ruffalo sa isang post. 

--Ulat ni Marie Lozano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.