Kandidata ng Miss Earth, nahablutan ng cellphone sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2017 06:41 PM | Updated as of Oct 17 2017 12:57 AM

Nahablutan ng cellphone ang isang kandidata ng Miss Earth 2017 habang namamasyal sa isang mall sa Maynila noong Sabado, Oktubre 14.

Ikinalungkot ni Miss Belarus Polli Cannabis ang insidenteng nangyari habang kasama niya ang iba pang mga kandidata at ilang security escort.

Ayon sa team manager ng mga kandidata, humiwalay sa grupo si Cannabis at mag-isang nagpunta sa isang shop kung saan na-snatch ang kaniyang cellphone. 

Nakikipag-ugnayan na ang pamunuan ng Miss Earth sa Manila Police District para malutas ang kaso sa tulong ng kuha ng CCTV sa insidente.

Dati nang bumisita si Cannabis sa Pilipinas bilang kinatawan sa Miss Asia-Pacific 2016.

Maghihigpit na rin ng seguridad sa mga kandidata sa lahat ng kanilang lakad hanggang sa pageant coronation na idaraos sa Nobyembre 4.

Samantala, nasubukan ang dance moves ng naggagandahang kandidata ng Miss Earth nang pasayawin sila ng nauusong "Baby Shark" sa Batangas City noong weekend.

Bukod dito, nagtanghal ang mga kandidata ng mga katutubong sayaw gaya ng tinikling.

Nang tumungo sa Gigantes Island sa Iloilo para sa kanilang environmental campaign, "Baby Shark" na tugtugin din ang sumalubong sa mga kandidata.

Ayon kay Miss US Virgin Islands Kaylee Carlberg, "last song syndrome" na siya sa trending na nursery song.

Nagwagi naman ang mga kinatawan mula sa Puerto Rico, United States, Switzerland, Ukraine, at Northern Island sa swimsuit competition.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.