ALAMIN: Tips para sa pagbili ng sariling bahay

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2017 05:32 PM

Sino ba ang hindi gustong magkaroon ng sariling bahay?

Payo ni Rienzie Biolena, isang financial expert, dapat tingnan ng isang indibiduwal ang pagbili ng bahay bilang pangmatagalang pamumuhunan.

Dapat umanong iakma sa lifestyle o uri ng pamumuhay ang pagpili ng bahay. Kaugnay nito, dapat ding isaalang-alang ang lokasyon ng tirahan.

Halimbawa ni Biolena, nauuso umano sa mga young professional ang pagbili ng mga condo na malapit sa kanilang lugar ng trabaho.

Subalit hindi akma umano ang condominium para tirhan ng isang pamilya, lalo na kung balak ng mag-asawang magkaroon ng maraming anak.

Mas angkop umano para sa mga pamilya ang manirahan sa "house and lot."

Ngunit dahil mahirap nang makahanap ng house and lot sa Kamaynilaan, dapat bigyang-pansin umano ang mga "suburban area" sa mga malalapit na probinsiya gaya ng Bulacan at Laguna.

Mahalaga rin umanong tiyakin ang kakayanang bumili ng tirahan.

Ibinahagi ni Biolena na maaari nang tumingin sa mga website para tingnan ang halaga ng mga ipinapautang ng mga bangko.

Para kay Biolena, mas nakatitipid na magpagawa ng sariling bahay kaysa bumili ng "ready to move-in" o iyong mga bahay na gawa na.

Kaduda-dudang umano minsan ang kalidad ng mga materyales sa "ready to move-in."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.