Breast milk na 'best for babies', makukuha na rin sa pamamagitan ng mobile app

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 11:26 AM

Isinilang si baby Rayben na may komplikasyon sa baga at kailangan niya ng gatas ng ina o breast milk mismo.

Nagkataon namang hirap mag-lactate o magkaroon ng breast milk ang kaniyang inang si Elmira Espinosa.

Kaya naman problemado noon ang ginang kung paano mabibigyang gatas ang maysakit na anak.

“Umiiyak nga ako no'n sa ospital kasi hindi ko alam kung saan ko ikukuha 'yong anak ko ng gatas eh. May nagbibigay kaya lang kaunti. Eh dedede ulit siya kasi every 3 hours. Kaya naiiyak na lang ako.” kuwento ni Elmira.

Nagtatrabaho ang mister ni Elmira na si Joven Mercado bilang drayber sa pamilya ni Dennis dela Cruz.

Sakto namang noong panahong nangangailangan ng breast milk si baby Rayben ay binubuo ni Dela Cruz, kasama ng kaniyang mga estudyante sa Bulacan State University, ang isang mobile application para sa breast milk. 

Layunin ng kanilang mobile app na "Milktrack" na maging tulay sa pagitan ng mga sanggol na nangangailangan ng breast milk at sa mga nanay na may kakayahang makapagbigay nito nang sobra-sobra pa sa kailangan ng sarili nilang mga anak.

“Nag-start siya kasi as an undergrad project or thesis sa Bulacan State University, pero after no'n, nag-progress na siya as something na mas innovative 'yong approach,” ani Kevin Facun, isa sa mga nag-develop nitong app.

Nang magsipagtapos na ang karamihan sa mga miyembro ng grupong nag-develop ng Milktrack, dinala ni Facun ang mobile app sa University of the Philippines Diliman para ipagpatuloy ito.

“Also, ginawa namin 'yong app to raise awareness about breast milk na sobrang laking tulong nito sa babies especially 'yong may sakit na babies,” paliwanag ni Richie Ryan Tan, isa sa mga nag-develop din ng app.

Abril noong nakaraang taon, nanalo ang grupo nina Facun sa 2016 Philippine Startup Challenge ng Department of Information and Communications Technology.

Abangan ang buong kuwento ng Milktrack at iba pang mobile applications na may layuning makatulong sa mga Pilipino.

Mapapanood ang kabuuang ulat mamayang gabi sa "Tapatan ni Tunying", pagkatapos ng Bandila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.