Ilang produktong gawa ng mga nasalanta ng 'Yolanda', tampok sa trade fair

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2017 06:59 PM

Bumida ang mga produktong mula sa Eastern Visayas sa isang trade fair na idinaos sa isang mall sa Mandaluyong mula Oktubre 4 hanggang Oktubre 8.

Pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang fair na tinawag na "Bahandi - Eastern Visayas Trade Fair."

Tampok dito ang sari-saring produkto, gaya ng mga bag at pagkain, mula Samar at Leyte.

Kabilang rin ang mga likha ng mga dating biktima ng bagyong Yolanda, tulad ng mga handicraft na binuo ni Aurora Delos Reyes mula sa niyog at seashell.

Para naman sa iba, nakatulong ang bagyo para mapansin ang ilang kabuhayang hindi napapakinabangan noon tulad ng paggawa ng banig.

Kuwento ni Maria Delza Mariscotes, nadadala na nila ang kanilang mga banig sa ibang bansa upang ibida at ibenta.

Sa datos ng DTI, aabot sa halos P32 milyon ang kabuuang kita ng mga exhibitor.

Nabigyan din ang ilang exhibitor ng mga alok mula sa mga lokal at banyagang investor at mamimili.

Patuloy na tumutulong ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong residente upang makapagsimula muli.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.