Dinosaurs, 'tree of life', matutunghayan ngayong 'Museum Month'

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 03:34 AM

Tampok ang sari-saring exhibit sa iba't ibang museo sa bansa bilang bahagi ng pagdiriwang ng Museum Month ngayong Oktubre.

Sa "Dinosaurs Around the World" exhibit ng "The Mind Museum" sa Taguig City, may interactive at life-sized dinosaur animatronics gaya ng T-rex ng North America at Spinosaurus ng Africa.

Bukod sa dinosaur exhibit, nandiyan pa rin ang kanilang main galleries na patok sa mga bisita mapa-bata o matanda. 

Mga unique painting naman na may kaugnayan sa simbahan noong panahon ng Kastila ang tampok sa 'Hocus' exhibit ng National Museum.

Inaabangan na rin ang pagbubukas ng National Museum of Natural History sa Oktubre 29 sa Rizal Park.

Ito ang ikatlong gusali ng National Museum.

Sa gitna ng gusali, bubungad ang nakamamanghang "tree of life." Doon magsisimula ang tour paakyat ng 5th floor kung saan ilalagay ang mga exhibit sa geography ng Pilipinas.

Bawat palapag ay may tema na iikot sa likas na yaman ng bansa.

Makikita rin doon ang malalaking taklobo galing sa La Union, ang replica ng buwayang si "Lolong" at iba pang mga hayop na sa Pilipinas lang makikita.

Patuloy naman ang ginagawang pagbabago sa museums para lalo pang mapalawak ang pagbibigay kaalaman.

Umaasa ang pamunuan ng mga museum na lalo pang mapalapit ang mga museo sa publiko.

-- Ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.