Dating nakatira sa kalye, nabigyan ng trabaho sa tulong ng libreng training

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 04:14 PM

Nagkaroon ng trabaho ang 29-anyos na nakatira noon sa lansangan sa pamamagitan ng libreng training sa Sampaloc, Maynila. 

Walong taon ang inilagi ni Merry Rose De Vera sa lansangan at hindi niya inakalang maiaahon pa ang sarili at pamilya mula rito.

Sa edad na 19, nagtanan siya kasama ng nobyo para tumira sa Pier South kung saan sila nagkaroon ng tatlong anak. 

Iniraraos ni Merry Rose ang mga anak niya sa pamamagitan ng pangangalakal ng basura kaya naman naging sakitin ang mga ito.

“Ang buhay po sa kalsada sobrang hirap. Naranasan ko na kumain ng galing sa basurahan... Hindi kami halos makaligo ng isang linggo. Ang hirap po talaga tapos kapag umuulan, hindi mo alam kung saan ka tatakbo para makasilong kasi mababasa ka talaga.”

“’Yung mga anak ko nga halos laman ng ospital ‘yun e… laging polmunya ang sakit,” pagbabalik-tanaw ni Merry Rose.

Ganito man ang buhay, mas pinipili pa rin nilang bumalik sa kalye kapag kinukupkop sila ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) rescue operation.

Pero nang nakipaghiwalay si Merry Rose sa kinakasama nang makaranas siya ng domestic abuse, nag-isip siya ng paraan kung paano magkakaroon ng maayos na trabaho para sa kaniyang mga anak.

“Inalok po ako ng DSWD kasi po 4Ps [Pantawid Pamilyang Pilipino Program] member po ako... Tinanong po nila ako kung gusto ko daw po mag-aral ng TESDA [Technical Education and Skills Development Authority] para magkaroon ng trabaho. Sabi ko ‘susubukan ko po,’” kuwento ni Merry Rose.

Kabilang si Merry Rose sa unang batch na nakatapos ngayong taon ng Tile Setting sa Technical-Vocational Training School ng DSWD sa Sampaloc, Manila. 

Dahil sa pagsisikap, pitong buwan na siya ngayong namamasukan sa isang construction firm sa Makati bilang tile setter.

Nangungupahan na rin sila sa isang apartment at napag-aaral na ni Merry Rose ang mga anak. 

“Hindi kagaya dati na wala kaming kasiguraduhan kung may kakainin pa kami bukas, paggising ba namin mayroon ba kaming aalmusalin. Ngayon, sigurado na pong may kakainin ang mga anak ko.” pagbabahagi ni Merry Rose.

May payo naman si Merry Rose sa mga tulad niya rati: “Ang masasabi ko lang po sa mga nakatira sa kalye na tinutulungan ng DSWD na huwag po nilang sayangin.” 

Linggo-linggo naghahatid ng livelihood training ang TESDA sa isang training center sa Sampaloc, Maynila bilang bahagi ng sustainable livelihood program ng DSWD upang makatulong na magbigay ng hanapbuhay. 

Karamihan sa mga dumadalo rito ay mga nanay at tatay na benepisyaryo ng 4Ps. 

Labing isang araw ang klase at libre ang matrikula, uniporme, tools, pati ang pamasahe at tanghalian. 

Panoorin ang buong kuwento ni Merry Rose pati na ang mga libreng tulong at serbisyo na puwedeng pakinabangan sa 'Tapatan ni Tunying', Biyernes, pagkatapos ng Bandila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.