ALAMIN: Mga puwedeng gawing palutang kung abutan ng rumaragasang baha

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2017 05:54 AM

Kapag madalas bahain ang lugar o kaya ay malapit sa ilog, importanteng alamin ang mga dapat gawin upang manatiling ligtas sakaling biglaang tumaas na ang tubig o magkaroon ng flash flood.

Sa programang "Red Alert", ipinakita ni Jeff Canoy kasama ang ilang rescue and survival experts kung ano-ano ang maaaring gawin para makaligtas sakaling maipit sa rumaragasang baha.

Ayon kay Gerard Natividad, rescue and survival expert, mainam na gumawa ng improvised flotation device. 

“Siyempre ang pinaka-accessible sa atin, mga [plastic] container ng tubig. Mga [lalagyan ng] 5 gallons. Puwedeng-puwede ‘yon,” paliwanag ni Gerard Natividad.

“Kung mayroon kayong dalawang [gallon]. Lagyan mo ng tali sa isang container, tapos lalagyan din doon sa kabila. ‘Yong agwat niya is enough lang sa magkabilang kilikili mo. Anumang mangyari diyan is iipitin mo siya sa magkabilang kilikili mo para kapag inanod ka o magpalutang ka, angat na angat ka.”

Kung mas malakas na ang agos ng tubig, ipinapayo ng eksperto na maghanap ng mas matibay na makakapitan tulad ng mga piraso ng kahoy o mga nabuwal na puno.

“Marami ka pang puwedeng makuhanan ng improvised flotation device katulad ng kung anong lumulutang sa ilog, tulad ng [bahagi ng puno ng] saging, mga kawayan, basta mga puwede mong kapitan na matibay.”

Kung may kasamang bata naman habang nagpapalutang sa baha, importanteng nakatalikod sa agos para hindi direktang matamaan ng tubig ang mukha ng bata.

“Kapag halimbawa kasama na ninyong naanod [ang bata], ilalagay niyo lang siya sa dibdib. Hahawakan sa armpit, then sabay kayong magpapaanod at patalikod pa din kayo sa agos ng tubig para madepensahan mo siya,” ani Algie Obedencio, isa ring rescue and survival expert.

Bukod sa pagkalunod, isa pang kalaban kapag inanod ng baha ang hypothermia o ang pagbaba ng temperatura ng katawan. 

Ayon sa mga rescue and survival experts, maiging maghanap ng bagay na puwedeng humarang sa hangin para makabawas sa ginaw tulad ng debris, plastic, at iba pa. 

Pero bago pa abutin ng baha, mainam anila na makibalita sa lagay ng panahon at agad na lumikas kung kinakailangan. 

Makatutulong din ang pag-alam kung madalas bahain o daluyan ng tubig ang lugar kung saan nakatira.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.