'Sakit sa puso, kadalasang dulot ng stress'

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2017 05:43 PM

Itinuturing ang iba't ibang sakit sa puso bilang nangungunang sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino, base sa datos ng Department of Health.

Sa programang "Good Vibes" ng DZMM, ipinaliwanag ni Dr. Erlyn Demerre ng Philippine Heart Association (PHA) na stress ang kadalasang sanhi ng pagkakaroon ng sakit sa puso.

Ayon kay Demerre, nagkakaroon ng reaksiyon ang hormones sa katawan ng tao sa mga pagkakataong nakararanas ito ng stress.

Isa sa maaaring maging reaksiyon ng hormones ang pagbara sa mga daluyan ng dugo at pagtigil ng pag-ikot ng oxygen sa katawan ng tao.

Kaya't biglaang inaatake sa puso o kaya nama'y nakararanas ng stroke ang isang tao.

"Nakakataas ng blood pressure, nakakatigas ng ugat, nakaka-increase ng cholesterol [ang stress]. All of these have an effect on the heart," ani Demerre.

Ipinaliwanag ni Demerre ang iba't ibang uri ng stress.

Mayroong tinatawag na "good stress" o iyong pansamantalang stress na nararanasan sa pang-araw-araw, gaya sa mga sitwasyong pantrabaho.

"We meet that everyday because it’s temporary. When the work is done, tapos na, it’s gone," ani Demerre.

Subalit nakasasama na ang stress kapag ito'y "prolonged" o matagal nang nararanasan.

Dagdag ni Demerre, walang datos na nagpapatunay na mas lumolobo ang kaso ng mga nagkakaroon ng sakit sa puso sa panahon ng "ber" months.

"Siguro na-escalate lang pag dating ng "ber" months because a lot of stress comes in," aniya.

Kabilang umano sa mga nagdudulot ng stress sa ganitong panahon ang pagsikip ng trapiko at ang pag-iisip sa mga bibilhing regalo.

Ibinahagi naman ni Demerre ang patnubay ng PHA para sa malusog na pamumuhay na malayo sa iba't ibang klase ng sakit.

Aniya, dapat kumain ng limang serving ng prutas at gulay kada araw.

Nararapat ding dalawang oras lang ang inilalaan ng isang indibidwal sa tapat ng telebisyon, computer, at mga gadget.

Dapat din daw maglaan ng isang oras para sa ehersisyo.

Ipinagbabawal din ng PHA ang mga matatamis na pagkakain, soft drinks, at paninigarilyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.