Bakit masamang mag-swimming agad pagkatapos kumain?

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2017 06:05 PM | Updated as of Sep 25 2017 06:06 PM

Payo ng isang doctor, iwasang mag-swimming agad matapos kumain

Mayroong mga bagay na hindi dapat gawin agad matapos kumain, paalala ni Dra. Bles Salvador sa kaniyang programang "Dra. Bles @ Ur Serbis" sa DZMM.

Narito ang mga dapat iwasan matapos kumain:

Paninigarilyo

Ayon kay Salvador, lalong nanunuot ang mas maraming carcinogens, o iyong nakapagdudulot ng cancer, sa ating katawan kapag tayo ay nanigarilyo matapos kumain. 

"'Yong nicotine na nandoon sa cigarette sasama 'yan sa oxygen ng katawan natin at mahihirapan tayong tumunaw ng ating kinain," dagdag ng doctor.

Sa pangkalahatang kalusugan, dapat din talagang iwasan na ang paninigarilyo dahil aniya, mas malaki din aniya tiyansang magkaroon ng kanser sa baga ang mga mahilig magyosi.

Paglalakad

Pinapaalala rin ni Salvador na iwasang maglakad-lakad pagkatapos kumain dahil maaaring magkaroon ang isang tao ng acid reflux na maaaring magdulot ng heartburn o iyong pakiramdam na parang may kumikirot sa dibdib.

Pagtulog

Dapat aniya ay mga isang oras matapos kumain ay tsaka na lamang matulog upang maiwasan ang "bloating" o ang pakiramdam na punong-puno ng hangin ang ating sikmura.

Ayon kay Salvador, ang agad na pagtulog ay maaari ding magdulot ng acid reflux.

Paalala rin niya, magpahinga muna nang kaunti bago matulog upang maiwasan ding ma-stroke.

Pagligo

Payo ni Salvador, maghintay muna ng 30 minuto hanggang isang oras bago maligo o kaya'y mag-swimming.

"Kasi po, mas marami 'yong blood flow sa hands and legs kapag kayo ay nagsi-swim or nagsha-shower [sa halip na] 'yong dugo na papunta sana sa inyong stomach kung saan kinakailangan iyong oxygen ng dugo to digest," ani Salvador.

"Magkakaroon kayo ng problema sa digestive system sapagkat lesser 'yong blood na mapupunta doon sa inyong sikmura." 

Pag-inom ng tsaa

Bago uminom ng tsaa, maghintay muna ng 30 minuto hanggang isang oras pagkatapos kumain dahil maaaring makaapekto ang tsaa sa mainam na absorption ng iron sa ating katawan.

"Halimbawa, kumain kayo ng protina, kumain kayo ng mga [pagkaing may] iron, na nandoon sa sangkap ng kinain ninyo, hindi niya ma-a-absorb 'yong pagkain na iyon kasi nga 'yong sangkap ng tsaa... ay hihigpitan niya, hindi niya pababayaang umepekto or pumasok sa katawan natin 'yong kinain nating iron at iba pang mga protina," paliwanag ni Salvador.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.