KZ Tandingan at TJ Monterde, umawit para sa nagmahal, nasaktan, nag-move on

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2017 02:13 PM

Sa pamamagitan ng makeup at hugot idinaan ni Ericka Barretto ang pagkalimot sa kaniyang dating kasintahan.

Ibinahagi ang kuwento ni Barretto sa segment na "LSS" ng "ASAP" nitong Linggo, Setyembre 24.

Unang nakilala si Barretto sa "Paano Mag Move On Makeup & Advice," isang makeup tutorial video kung saan iniuugnay ni Barretto ang paglalagay ng makeup sa pagpasok at pag-move on sa isang relasyon.

Umani na ng mahigit 5,000 views ang video sa YouTube.

"Kasi 'di ba 'pag brokenhearted tayo, palagi nating naisip na dapat magpaganda tayo," ani Barretto.

Nahuli umano ni Barretto na niloloko siya ng dating kasintahan matapos matagpuan at mabasa ang mga love letter na isinulat nito para sa isang kaibigan ng dalaga.

"Naalala ko every night I would cry. I also went through moments na emotional eating, soul-searching, hiking," kuwento ni Barretto.

Matapos mapanood ang isang eksena ni Arci Muñoz sa palabas na "Always Be My Maybe," nahikayat si Barretto na gumawa ng sariling makeup tutorial.

"It's really unmasking yourself and showing the world na I'm not that strong. I'm also weak," ani Barretto.

Matapos ang isang taong pagiging single, muling nagtagpo ang landas ni Barretto at ng kaniya umanong first love. Ngayon, magpi-pitong taon na sila sa relasyon.

"If you're trying to move on, my only advice is to love yourself and eventually, you'll find yourself. And when you meet the right person, you'll also be the right person for that person," aniya.

Nag-alay ng awitin ang singing couple na sina TJ Monterde at KZ Tandingan para kay Barretto.

Nag-duet ang magkasintahan sa kantang "You've Made Me Stronger" ni Regine Velasquez.

Ika nga sa lyrics ng kanta kung isasalin sa wikang Filipino, mas magandang buhay ang nagsimula nang maka-move on mula sa pag-ibig na talusira.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.