Komunidad sa Antipolo, nakatanggap ng water purification system

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2017 10:43 PM

Binigyan ng mag-asawang Louie at Grace Cristobal ang Central Inarawan 2 sa Antipolo City ng isang water purification system upang maibsan ang hirap na nararanasan sa pagkuha ng maiinom na tubig.

Dahil kay Nuary Anne Loma, magkakaroon na ng mapagkukunan ng malinis na tubig ang mga kasama niya sa komunidad.

Siya kasi ang napili ng mag-asawang Cristobal na bigyan ng tulong dahil sa nakaaantig niyang kuwento at hangaring makatulong sa ibang tao.

“Naantig po 'yung damdamin namin [kasi] 'yung gusto niya po hindi po para sa pansarili lang, na kikita siya. 'Yung kanyang hangarin is lahat po, buong community mabibigyan ng malinis na tubig,” paliwanag ni Grace.

"Di po niya inisip 'yung kikita siya bagkus 'yung concern niya po [ay] dun sa community na nasasakupan niya,” dagdag ni Grace.

Ayon sa pagsusuri ng Alkaviva Water Philippines, kailangang i-treat ang tubig sa kanilang balon upang mapatay ang mga mikrobyo
at maging ligtas na inumin.

Masayang-masaya naman ang mga residente nang dumating na ang water purification system at sinabing hindi na sila mamomroblema sa kalusagan ng kanilang mga anak.

“Tuwang-tuwa po talaga ako, sampu po ng aming mga kapitbahay at kakomunidad po, talaga pong napakalaking blessing po ito para sa amin,” ani Loma.

Samantala, bukod sa libreng malinis na tubig, magsisilbi rin itong negosyo para sa buong komunidad.

Maaaring maitayo ang negosyo sa pamamagitan ng kooperatiba at
ang malilikom na pera ay maaaring gamitin upang mapaganda ang kanilang lugar.

Water mobile purification system

Ibinida naman ng mag-asawang Cristobal ang kanilang naimbentong sistema ng paglilinis ng tubig: ang mobile purification system.

Ito ang nakikitang solusyon ng mag–asawa sa kakulangan ng malinis na tubig sa panahon ng kalamidad.

Imbes daw na hintayin ang rasyon ng mga bottled water mula sa gobyerno--tuwing may kalamidad--sa halip ay maaari nang gamitin ang mobile purification system.

“'Yung mobile water kapag inilagay mo na siya do'n, ita-tap lang natin siya sa river, or sa deep well natin, tuloy-tuloy na 'yung pagkuha ng safe drinking water,” ayon kay Loiue.

Ayon sa kanila, pangmatagalan ang gamit nito at hindi basta-bastanag nauubos dahil mayroong tubig na pinanggagalingan tulad ng ilog.

“Ang mobile water kasi is pupuwede mo na siyang hilahin, so for example, may calamity puwede mo na siyang dalhin as long as meron kang source doon ng water like swamp, river pupuwede mo na siyang gamitin para maging safe drinking water after niya ma-treat,” dagdag ni Loiue.

Ang hangarin nila bukod sa kumita ay tumulong sa ibang tao
na magkaroon ng malinis na maiinom na tubig.

"Hindi na namin i-ne-aim na talaga pang kumita. Ang aim talaga namin is tumulong sa mga tao na gustong magnegosyo at magkaroon ng safe drinking water sa buong Pilipinas," ayon kay Louie.

Ang mag-asawang Louie at Grace ay nagsimula lamang sa isang water refilling station hanggang sa magkaroon na sila ng 3,000 branch sa loob ng 7 taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.