Ariel Ureta, pinagbisikleta nga ba noong martial law?

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2017 09:18 AM

MANILA - Pinabulaanan ni radio at television host na si Ariel Ureta ang matagal nang usap-usapan na pinagbisikleta siya matapos na paglaruan ang slogan ng martial law na idineklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. 

"Urban legend 'yung pinagbisikleta ako," ani Ureta.

Kuwento ni Ureta, nasa kasagsagan ng kasikatan ang kanyang noontime show na “Twelve O'Clock High” kasama si Tina Revilla sa ABS-CBN noong 1970s. 

Pero isinara ang ABS-CBN matapos magdeklara si Marcos ng batas militar, dahilan para lumipat aniya siya sa kabilang istasyon. 

Doon, naikuwento ni Ureta sa broadcaster na si Bong Lapira ang maling pagkakarinig ng isang bata sa slogan ng martial law. 

Sa halip aniya na "Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan," narinig ito ng paslit bilang "bisikleta ang kailangan." 

"Mula sa bulong-bulong lang 'yun kumalat 'yung bulungan. Alam mo naman, kapag pinagpasa-pasa mo ang impormasyon, nagkakamali na ang impormasyon hanggang sa umabot na sinabi ko daw on the air," sabi ni Ureta. 

"Of course, hindi ko sinabi on the air, alam naman natin 'yun. You don't do that on martial law." 

Pero kumalat ang naturang urban legend dahil nais umanong maniwala ng mga tao na talagang binanggit niya ang kuwento habang on-air ang kanyang show. 

Dahil naging katatawanan ang kuwento, ninais aniya itong patahimikin ng administrasyon at dito lumabas ang kuwento na pinagbisikleta siya.

"Siguro sabi ng Malacañang to stop the laughter, instead of laughter, gawin nating fear. 'Ah, pinagbisikleta namin 'yan si Ariel'. Kinalat 'yun sa buong Pilipinas," sabi niya.

Pero giit niya, malapit talaga siya sa pamilya Marcos noon. Sa katunayan nga, ipinapasundo pa siya sa Metrocom (police) tuwing iimbitahan sa Malacañang.

"'Invited' naman ang tawag doon. Wala ka namang choice doon. Basta susunduin ka na lang. When you're invited, understood na 'yun. But they were very nice," paliwanag niya.

"Ang hindi lang nice doon kung ayaw mong mag-party that day. Kung hindi martial law, you could say 'inaantok ako e'. Pero since martial law, kahit wala kang kagana-gana that day, pupunta ka." 

Kahit pa kumalat ang tsismis tungkol sa bisikleta, hindi naman siya nababagabag dito.

"Habang lumalabas ang rumor na 'yan, it doesn't bother me naman. Nakikipag-partyhan naman ako sa kanila, sa Ang Pangulo noong araw," pabirong sabi niya.

Naniniwala naman si Ureta na may ibang mensahe ang ipinarating ng tsismis ukol sa bisikleta. 

"It’s a double-edged sword. To a lot of people, I'm their hero because wala sa kanilang makapalag noong araw. 'Buti pa si Ariel ang tapang...' Hindi ako matapang. Hindi ko sinabi on the air 'yun," idiniin niya.

Naging malapit man siya sa pamilya Marcos noon, hindi pa rin aniya gusto ang pagkakaroon ng martial law.

"On principle, 'di ko gusto ang martial law. Gusto ko due process of law," sabi niya.

Kabilang si Ureta sa morning show hosts ng “Umagang Kay Ganda” ng ABS-CBN. Ka-tandem naman niya si Winnie Cordero sa programang “Todo-todo, Walang Preno” sa DZMM.