ALAMIN: Solusyon sa erectile dysfunction

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2017 04:14 PM

Isa sa mga sanhi ng "erectile dysfunction" ay ang pagkakaroon ng problema ng ugat o blood vessels papunta sa ari ng lalaki kaya hindi na ito tumitigas.

Kabilang din sa pangunahing sanhi ng sakit na ito ay ang pagtanda, na kadalasang lumalabas pagdating ng edad 50 pataas, ayon kay Dr. Juliano Panganiban, isang panauhing urologist sa programang "Good Vibes" sa DZMM.

Ngunit dagdag ni Panganiban, mayroong posibilidad na hindi tamaan ang lalaki ng erectile dysfunction kung sya ay aktibo sa kanyang kabataan, lalo na kung ito ay mayroong sapat na ehersisyo, walang sakit tulad ng diabetes, hypertension, at hindi naninigarilyo.

Kung na-diagnose ang isang lalaki ng erectile dysfunction, mayroon pang solusyon na mapanumbalik ang sigla nito.

Paliwanag ni Panganiban, kung "mild" na erectile dysfunction lang ang na-diagnose sa isang pasyente, mataas ang tiyansang gumaling sa pamamagitan ng gamutan.

Kung "severe" o malala na ang kaso ng erectile dysfunction--samahan pa ng pagkakaroon ng diabetes sa nakalipas na 10 hanggang 20 taon--mahirap na itong magamot, ani Panganiban.

Kaya paalala ni Panganiban, kailangang panatilihin ng isang lalaki ang malusog na pangangatawan lalo na pag tungtong ng 30 taong gulang pataas, upang maiwasan ang pagkakaroon ng problema sa ari.

May mga gamot din daw na maaaring mabili kontra erectile dysfunction, ngunit babala ni Panganiban, magpatingin muna sa espesyalista ang pasyente lalo na kung ito ay may sakit sa puso. 

Ayon pa sa doktor, inirerekomenda muna nila sa isang lalaking may erectile dysfunction ang pag-aayos ng "lifestyle" sa pamamagitan ng ehersisyo, pagtigil sa paninigarilyo, pagkain ng masusustansiyang pagkain, bago ito tuluyang resetahan ng gamot para sa sakit.

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambata ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.