Bakit nababalisa ang magulang kapag nahihiwalay sa anak?

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2017 04:42 PM

Mayroong mga magulang na nakararamdam ng "separation anxiety" o pagkabalisa sa pagkakataong mahihiwalay na sa anak. 

Hindi ito maiiwasan lalo na't minsa'y dumarating ang panahong nais bumukod ng isang anak upang magkaroon ng sariling buhay.

Paliwanag ni Prof. Marjorie Gomez, isang tagapayo sa Amara Counseling and Training Center, nakararamdam ng anxiety sina nanay at tatay dahil nahihirapan umano silang tanggapin na unti-unti nang nawawala ang kanilang papel bilang magulang.

"Isa sa mga cause ng anxiety 'yung pag-transition ng role from a parent to being alone," ani Gomez sa programang "Sakto" ng DZMM.

Payo ni Gomez, maiging itatak na ng mga magulang sa kanilang isip sa mas maagang panahon na hihiwalay rin sa kanila ang mga anak.

Kadalasan din umanong ina ang nakararanas ng anxiety.

"Na-experience 'yan ng babae kasi sila yung nag-aalaga, pinabayaan nila 'yung career nila, dreams nila, para sa mga anak," aniya.

Ngunit hindi nangangahulugang madali para sa mga ama ang paglisan ng anak.

"‘Yung mga lalaki hindi lang nagsasalita pero ganoon din naman, mas less lang 'yung epekto sa kanila," ani Gomez.

Mahalaga umanong may kahandaang pampinansyal ang mga magulang upang hindi maging "pabigat" sa mga anak. 

Sa ganitong paraan din kasi maaaring gawin ng mga magulang ang mga nais nila at gumastos para sa sarili.

Maiging humanap din ang mga magulang ng mapagkakaabalahan, gaya ng pamamasyal o pagsali sa mga organisasyon, upang hindi magambala ng kalungkutan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.