Mag-asawang may 'plus one,' ikinuwento ang kanilang pagmamahalan

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2017 02:33 PM

Tampok sa segment na "LSS" ng "ASAP" nitong Linggo, Setyembre 17, ang isang babaeng ikinasal sa lalaking hindi maaaring mahiwalay sa kaniyang kambal.

Sa walong taong pagsasama nina Nerissa Garfil at Jhanny Cabanlig, walang pagkakataong hindi nila kasama ang kambal ni Jhanny na si Thony Cabanlig.

Ito'y dahil sina Jhanny at Thony ay "conjoined twins," o kambal na magkadikit ang katawan.

"'Yung puso tsaka 'yung bituka [namin], magkadugtong po 'yun eh. Kaya hindi raw puwedeng paghiwalayin," paliwanag ni Jhanny.

Dating kapitbahay ni Nerissa ang kambal at hindi naiwasang napukaw ni Nerissa ang damdamin ni Jhanny.

"Nang una ko siyang nakita, nabighani ako sa kanya. Nagtulak 'yung dibdib ko eh," ani Jhanny.

Ayon kay Nerissa, simula pa lang ay natanggap na niyang kabilang na rin sa relasyon nila ni Jhanny si Thony.

"Umpisa pa lang, alam ko nang may kakaiba yung pagsasama namin. Kung kami may forever, may forever ding plus one," biro ni Nerissa.

Kuwento ni Thony, nakasanayan niya na ring kasama ang kambal at ang kasintahan nito.

"Nang nanliligaw si Jhanny, halimbawa gusto nila mag-date ... ako nakikinig ako radyo, may headphone ako. Ganyan talaga magkapatid, nagbibigayan," kuwento ni Thony.

Inamin ni Nerissa na hindi naging madali ang pagsasama nila ni Jhanny.

Ayon kay Nerissa, hindi sila tinanggap ng parehong magulang niya at ng kambal, kaya pinili na lang nilang magtanan.

Hindi rin umano maiiwasang husgahan sila ng ibang tao.

"Mayroong nagsasabi [kay Nerissa,] asawa mo dalawa! Syempre pangit pakinggan sa tao," ani Jhanny.

Hindi na lang umano nila pinapansin ang mga ganitong komento.

"Para sa akin, ang pag-ibig hindi tumitingin sa panlabas na anyo," ani Nerissa.

"Kung ano man ang katangian nila sa buhay, kung bulag man o pipi man o pilay man, may puso naman sila eh. May karapatan silang umibig," dagdag ni Jhanny.

Kasalukuyang namamalagi ang tatlo sa Mexico, Pampanga.

Handog nina Jeremy Glinoga at Isabela Vinzon ng The Voice Teens ang awiting "Won't Last A Day Without You" ng the Carpenters para sa tatlo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.