Ano-ano ang mga katangiang namamana sa magulang?

Rowegie Abanto, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 08:47 PM

Madalas namamana ng anak ang katangian ng kaniyang mga magulang, katulad ng pagiging matangkad o mababa, at maputi o kayumanggi.

Kasama ring nakukuha ang ugali, gawi, at personalidad, ayon kay Dr. Gerald Belandres sa panayam sa programang "Sakto" sa DZMM. 

"Basically, kung sino iyong nanay mo — parents mo — doon natin nakukuha 'yung...talino [at] ugali," ani Belandres.

May mga pagkakataon naman aniyang hindi nakukuha ng isang anak ang ilan sa katangian ng kaniyang mga magulang, dulot ng "pairing" na nagaganap sa genes ng mag-asawa. 

Gayunpaman, may pagkakataon ding hindi nakikita sa magulang ang katangiang makikita sa anak dahil lumalabas ang katangiang taglay ng genes mula sa mga ninuno.

Subalit, totoo nga ba ang paniniwalang kung "in-love na in-love" ang isang babae sa kanyang asawa habang nagbubuntis, mataas umano ang tiyansang maging kamukhang-kamukha ng lalaking asawa ang magiging anak nila?

Paliwanag ni Belandres, "once kasi na kung sino 'yung lagi mong kasama, dun [mo] nafi-feel 'yung comfort, 'yung love siyempre makukuha mo, ma-a-acquire mo kung ano 'yung energy niya."

"Kaya nga minsan sasabihin nila kung sino 'yung [laging] nakakasama mo nagiging magkamukha na kayo."

Bukod sa mga pisikal na katangian, maaari din aniyang mamana ng mga anak ang ilang sakit na mayroon ang kanilang mga magulang, katulad na lamang ng pagkakalbo.

"Usually 'yung mga lalaki...nagkakaroon talaga ng pagkapanot...so basically maaari ding magkaroon ng pagkapanot 'yung anak na lalaki," aniya.

Ang allergies ng mga magulang ay nakukuha rin umano katulad ng allergic rhinitis. Idagdag pa ang mga sakit na karaniwang namamana tulad ng diabetes, asthma, sobrang pagtaba o obesity.

Ang mga ugali ay maaari ding mamana ng mga anak mula sa kanyang mga magulang.

Halimbawa, madalas aniyang nakukuha ng anak na babae ang pagiging maalaga mula sa nanay. "Ang nanay kasi maalaga, maaruga."

Maaari ding makuha ng mga anak, partikular na ng lalaking anak, ang pagiging "strong" ng tatay.

Kung mas nangingibabaw naman ang pagiging malambing ng isang nanay, maaaring ito ang makuha ng anak.

Bukod pa sa mga magulang, nakaaapekto pa rin sa pag-uugali ng bata ang mga taong nakakasalamuha niya sa araw-araw, ani Belandres.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.