ALAMIN: Homeschooling — Alternatibong paraan ng pag-aaral

Jaehwa C. Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 07:37 PM

Sinasabing ang mga magulang ang nagsisilbing unang guro ng mga bata bago pa man sila ipadala sa paaralan.

Subalit, mayroon nang alternatibong sistema ng pag-aaral na bahay ang tuluyang magsisilbing silid-aralan at magulang ang guro.

Tinatawag itong "homeschooling."

Ayon kay Laksmi Maluya, program consultant ng Homeschool Association of the Philippine Islands, dahil ito sa "intentional parents" o mga magulang na mas pinipiling sa bahay na lang bigyan ng edukasyon ang kanilang mga anak.

Paliwanag ni Maluya, tugon ito sa mas maraming oras na inilalaan umano ng mga bata sa paaralan kaysa kasama ang pamilya.

"Mas malaki ‘yung time na nasasakop na nasa eskuwelahan sila (mga bata), pero 'pag intentional parents, you're with them throughout their childhood," ani Maluya sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

Dati, mga batang may kapansanan at 'yung mga abala sa pagiging atleta o artista lamang ang karaniwang homeschooled. 

Isa sa mga kalamangan umano ng pagiging homeschooled ay mas natututukan ang pag-aaral ng bata.

"Kasi may one-on-one. Siya lang ang estudyante," ani Maluya.

Para naman kay Michelle Padrelanan, isa sa mga tagapagtatag ng organisasyong Educating For Life, hindi naman nagkakaroon ng problema ang isang batang homeschooled sa pakikisalamuha sa ibang tao.

"Para ba silang hindi nagpapadala sa peer pressure. Kasi may sarili na silang foundation eh. Alam na nila kung ano gagawin nila," ani Padrelanan.

Sa ilalim din ng homeschooling, magulang ang magsisilbing guro ng bata.

Ibinahagi ng mga panauhin na marami umanong kurikulum na maaaring makuha ang mga magulang sa internet. 

Dagdag pa rito ang gabay na ipinapatupad ng Department of Education sa mga magulang na may anak na homeschooled.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.