Paano tutugunan ang ilang problema sa pagtatalik ng senior citizens?

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2017 10:11 PM | Updated as of Sep 11 2017 11:01 PM

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambata ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

MAYNILA -- Tinalakay ni Dr. Lulu Marquez sa kaniyang programang "Private Nights" sa DZMM ang tungkol sa pagtatalik pagsapit ng 60 anyos pataas o edad na itinuturing nang 'senior citizen.'

Aniya, normal na maapektuhan ng pagtanda ang sexual activity ng indibidwal.

Maaari kasing magkaroon ng 'dysfunction' o problema sa pakikipagtalik, dala na rin ng edad.

"Alcoholism and smoking can cause dysfunction of the man or woman," ani Marquez, kaya namang pinapayuhan niya ang lahat na habang maaga, tigilan na ang bisyong paninigarilyo at pa-inom ng alak.

Sa mga lalaking senior citizen, maaaring indahin nila ang "erectile dysfunction" o ang hindi tagumpay na pagpapanatili ng "erection" habang nakikipagniig.

Puwedeng dulot ito ng ilang sakit tulad ng diabetes o kaya nama'y hypertension.

Payo ni Marquez, magpatingin sa espesyalista para makapagreseta ng tamang gamot kung kinakailangan.

Isa pang maaaring maging problema ng kalalakihan ang "premature ejaculation" o ang maagang "pagtatapos" ng lalaki habang nakikipagtalik.

Ani Marquez, posibleng magkaroon ng premature ejaculation kung may pangamba ang lalaki na biglang "lumambot" ang kaniyang ari kaya napapaaga ang kaniyang pagtatapos.

Puwede ring dahil matindi ang stimulation, kaya nagkakaroon ng premature ejaculation.

Payo ng doctor, ibahin ang sexual position para makaiwas sa maagang pagtatapos.

Puwedeng subukan ang "woman on top" na posisyon sa pakikipagniig.

Maaari rin aniyang subukan ang "pause-and-squeeze technique."

"Pause means stop making love. Then sa anatomy ng genitals ng lalaki, you hold on to the penis and then hinga munang malalim then, pahinga muna. Squeeze a little. Then pag okay na, go again," paliwanag ni Marquez.

Sa kababaihan naman, karaniwan ang "vaginal dryness" kapag nag-menopause o tumigil na ang buwanang regla.

Kaya kailangan daw na habaan para sa mga babae ang "foreplay," o mga aktibidad na maaaring magpatindi o magpatingkad ng seksuwal na karanasan, bago ang aktuwal na pagpasok ng ari ng lalaki sa ari ng babae. 

"Foreplay should be longer especially to women, because testosterone is the one that dictates their desire and libido, bumababa po 'yon," ani Marquez. 

"Another hormone is the estrogen, kapag bumaba ang estrogen, problema po ang vaginal dryness. Ngayon kapag nag-make love na, menopause na, mayroong vaginal dryness, mahirap po. Most of the time, hindi natutuloy ang pakikipagtalik."

Ipinayo rin ni Marquez ang paggamit ng water-based lubricant para sa mga babaeng nakararanas ng vaginal dryness.

Aniya, bukod sa "moisturizing" effect ng lubricant, maaari rin itong makapag-stimulate ng ari ng babae.

"Maganda 'yong may menthol at amino acid na L-arginine ang lubricant."

May paalala rin si Marquez para sa mga mag-asawang ginagawa ang "oral sex."

"'Yan pong oral sex ay safe naman po 'yan between couples, especially married couples. Nagiging hindi safe if you are into casual sex at baka magkaroon ka ng kulugo sa ngala-ngala," paliwanag ni Marquez sa sakit na maaaring makuha kapag nakipag-oral sex o nakipagtalik sa kung kani-kanino lang.

Ayon din kay Marquez, may magandang dulot para sa senior citizens ang pagtatalik.

"Napag-aralan nila 71% of men and 51% of women, at the age of 60s, are still making love," sabi ni Marquez. "Pagdating ng 80, 27% of men they still do it... 18% of women aged 80 are still sexually active. At least once a month, they still do it."

Dagdag pa ni Marquez, nakaiigi ang pagtatalik sa kalusugang pisikal at pag-iisip ng senior citizens.

Lalong nagpapatatag rin ito sa relasyon ng mag-asawa at nakapagpapahaba rin daw ng buhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.