Mahigit 500 baboy ni-lechon para sa 'Araw ng Digos'

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2017 07:05 PM | Updated as of Sep 09 2017 01:21 AM

DIGOS CITY (UPDATED) - Ibinida ng mga lechonero sa Digos City ang kanilang mga lechon kasabay ng pagdiriwang ng ika-17 taon ng Araw ng Digos Biyernes.

Madaling araw pa lang, nagsimula na sa paglelechon ang mga lechoneros.

Mahigit 500 baboy ang nilechon mula sa 41 na mga lechon house na kabilang sa commercial level, habang 26 na barangay naman ang sumali sa barangay level.

Ibinida ng mga lechonero ang kani-kanilang mga lechon sa pagdiriwang ng Araw ng Digos.

Nagpakitang gilas ang mga lechonero sa Barangay Matti. Mapula at walang biyak ang balat ng kanilang lechon. Kontrolado ang baga ng uling upang hindi masunog at maging malutong ang balat.

Ayon sa lechonero na si Raul Cananira sa Barangay Matti, masarap na timpla mula sa sikreto nilang rekado at madiskarteng paraan sa paglelechon ang susi upang maging best lechon.

Ito na ang ika-15 taon ng Lechon sa Kadalanan sa Digos City.

"Ang main purpose nito ay magkaroon ng food availability sa lahat kasi nga Araw ng Digos City, dapat may pagkain lahat. After ng program, 'di [na kailangan] pumunta sa karenderya kasi andyan na ang lechon," ani City Veterinary Officer Dr. Fermin Verallo.

At dahil Lechon Festival, hindi lalampas sa P400 ang kada kilo ng lechon.

Target ng Digos City Government na makakuha ng Guinness World Record ang Lechon sa Kadalanan para sa pinakamaraming baboy na ni-lechon sa kalsada.

Champion sa Commercial Level ang Linda Papings Lechon House habang nagwagi naman sa barangay level ang Barangay Matti.

Bawat isa sa kanila ay nakatanggap ng P5,000 na premyo.