Board topnotcher, may matinding pinagdaanan habang nagrerebyu

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2017 03:38 PM | Updated as of Sep 08 2017 03:53 PM

CAMARINES SUR - Isang matinding unos ang pinagdaanan ng pamilya ni Edilbert Tandaan bago niya nasungkit ang pinakamataas na grado sa katatapos pa lamang na Electrical Engineering Board Exam.

Kuwento ng kanyang asawang si Jesayhiel, nagkasakit ang kanilang sanggol na anak habang nag-aaral para sa board exam ang asawa.

"Nagkasakit kasi si baby noong nagre-review siya, akala namin mamamatay na. Umuwi siya (Edilbert), sabi niya 'di baleng hindi makapasa basta okay si baby. Sabi ko maniwala lang sa taas, gagaling si baby, makakapasa siya," ani Jesayhiel.

Dagdag ni Edilbert, kumuha siya ng inspirasyon sa kanyang anak.

"Tinitingnan ko lang picture ni baby, inspired na ako," aniya.

Nanguna si Edilbert sa halos 5,000 pumasa sa board exam sa gradong 91.8%

Bukod sa kanya, 25 iba pa mula sa Camarines Sur Polytechnic Colleges sa Nabua ang pumasa rin sa exam.

Noong nakaraang taon, nasungkit ng kolehiyo ang ika-anim na pwesto at nakuha ang 100 percent passing rate noong 2015.

Aminadong hindi relihiyoso, pero positibo ang disposisyon sa buhay ni Edilbert.

Hiwalay ang kanyang magulang at naiwan silang 4 na magkakapatid sa pagtataguyod ng ama.

Iskolar din ng Department of Science and Technology (DOST) si Edilbert.

Ngayon pa lang, may mas malaking oportunidad na umanong naghihintay sa kanya sa Maynila. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.