ALAMIN: Tips sa pagsisimula ng negosyo

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2017 12:35 PM

Ano nga ba ang mga tamang hakbang sa pagsisimula ng negosyo upang maging matagumpay ito?

Payo ni Melvin Abanto, bise presidente ng Small Business Corp., mahalaga para sa mga nagnanais pumasok sa negosyo ang paghingi ng payo mula sa mga eksperto.

"Mabuti na 'yung we go through the process na may makakita na iba at may makatulong sa iyo sa pag-evaluate ng iyong iniisip na negosyo," ani Abanto sa programang "Sakto" ng DZMM.

Ayon kay Abanto, kinakailangan ng sistematikong pagpaplano kapag magsisimula ng negosyo.

Kadalasan umano nakakalimutan ng mga bagong negosyante na suriin ang kumpetisyon.

"'Pag gumawa ka ng isang activity na nakita ng ibang kapaki-pakinabang, siguradong gagayahin 'yan. What will you do next? How do you compete efficiently?" ani Abanto.

Bagamat marami umano ang pumapasok sa industriyang food service, pinabulaanan ni Abanto ang paniniwalang "walang talo" sa ganoong negosyo.

"Kung walang talo, hindi sana kami nakaka-encounter ng mga kliyenteng may restaurant na eventually nagsasara," kuwento ni Abanto.

Tulong ng pamahalaan

Ibinahagi ni Abanto ang mga proyekto ng Department of Trade and Industry (DTI) na naglalayong makatulong sa mga maliliit na negosyo.

Isa rito ang Negosyo Center na nagbibigay payo at pagsasanay sa mga bagong negosyante at nagnanais pumasok sa negsyo.

Sa ilalim naman ng proyektong "Kapatid Mentor Me," tinuturuan ng mga kilalang pangalan sa negosyo ang mga may-ari ng maliliit na negosyo at nagnanais mag-negosyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.