'Lolo fashionista', 'lola janitress', kinilala sa 'ASAP'

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2017 04:50 PM | Updated as of Sep 03 2017 04:51 PM

Kinilala sa segment na "L.S.S." ni Jolina Magdangal sa "ASAP" nitong Linggo, Setyembre 3, ang mga ulirang lolo at lola na patuloy na sumusuporta sa kanilang mga pamilya.

Dating guro at principal si Pacita Cabauatan-Piano sa isang paaralan sa lalawigan ng Quirino. Ngunit matapos niyang maretiro, nagdesisyon siyang bumalik sa dating pinagtrabahuhan ngunit bilang isa ng janitress.

"Ako talaga ang may gusto na magtanim at maghukay-hukay. I am proud to be a janitress kasi hindi ako naging pulubi."

Sa edad na 84 anyos, malakas pa ring nagtatrabaho si Piano para sa kaniyang pamilya.

"Malalaman niyo kung matanda na kayo kung gaano kasaya na may apo. My own intention is para mapasaya ko ang aking anak at 'yung apo ako. Habang malakas pa ako, I will do my part as a magulang."

Nag-trending naman sa internet ang tinaguriang 'lolo fashionista' ng San Simon, Pampanga matapos makuhanan ng retrato dahil sa kaniyang pormal na suot nang sumakay sa MRT.

Bata pa lamang si Alex Tayag, mahilig na siya sa pananamit dahil sa impluwensya ng kaniyang tiyuhin na naging Number 3 Best Dressed Man of the Philippines noong 1950.

Kuwento ni Tayag, 2nd year high school siya nang tumigil sa pag-aaral dahil sa kahirapan nila sa buhay.

"Natigil ako sa pag-aaral dahil 10 kaming magkakapatid. Medyo kinakapos [kami]," aniya.

Napilitan siyang manahi para makatulong sa kanilang pamilya. Tinuruan siya ng kaniyang ama na kilalang sastre sa kanilang lugar.

"1960s, nagsimula na akong mamasukan sa Maynila. Kinailangan kong magtrabaho sa Maynila para maka-experience ako ng marami. Makatulong sa pamilya, gayundin."

Taong 1965 umano, natuto na siyang manahi ng Amerikana. Aniya, siya ang pinakabatang 'Amerikanista' noong panahong iyon.

"Sa pagtatrabaho ko kasi talagang pulido ako eh. Gusto ko talagang matutuwa ang customer."

Marami na rin siyang naging kliyente tulad ng mga diplomat, ambassador, congressman, at mga artista.

Nang makilala na siya sa kaniyang mga tahi, nagsimula na rin siyang magsuot ng Amerikana araw-araw.

"Sa MRT, 'yun nga maraming tumitingin hanggang sa napicturean ako nang hindi ko alam. 'Yun ang nag-trending sa internet. Unang-una kasi ang trabaho ko damit eh so kinakailangan maging presentable ka. Kaya natutuwa sila sa akin kapag ka nakikita nila akong naka-Amerikana," aniya.

Ang paggawa na ng Amerikana ang bumuhay sa kaniyang anim na anak at 15 apo. Sa ngayon, sa kanilang bahay na lang siya nanahi para maalagaan niya na rin ang kaniyang misis na may sakit sa puso.

"Ang pagpoporma, wala naman sa edad 'yun eh. Kahit anong edad, pwedeng manamit nang maayos. Pinakamagandang nagawa ko ay ang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya ko."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.