LISTAHAN: Mga bagay na dapat ihanda sakaling may sakuna

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2017 11:19 AM

Hindi namimili ng oras ang sakuna, kaya mahalagang maging handa upang tumaas ang tsansa na makaligtas sa peligro. 

Isa sa mga paraan upang paghandaan ang sakuna ay ang pagdadala ng isang "survival go-bag" kung saan nakasalansan ang ilang pangangailangan ng sarili at pamilya sakaling may baha, daluyong, lindol, at iba pang mga emergency.

Mahalagang maging laman ng bag na ito ang mga sumusunod:

1. Pagkaing hindi agad napapanis, at malinis na tubig

Isang litrong tubig, ilang pakete ng biskwit, at ilang pirasong pagkaing de lata ang pinakapraktikal na ilagay sa bag. Maaari naman itong dagdagan depende sa pangangailangan ng pamilya. 

2. First Aid Kit

Mahalagang magkaroon ng first aid kit na naglalaman ng mga bendahe, panlinis ng sugat tulad ng povidone-iodine solution, at mga gamot, sakaling masugatan o magkasakit ang pamilya. 

3. Tools

Kailangang magsama ng tools sa survival go-bag, dahil maaari itong magamit sa iba't ibang sitwasyon, maging sa pagluluto o kaya sa pagtatayo ng iba't ibang istraktura. 

Mahalagang isama sa bag ang isang gunting, at maliit na kutsilyo o Swiss knife. Dapat ding maglagay ng lubid o tali sa bag.

4. Hygiene Kit

Mahalagang manatiling malinis ang katawan, upang makaiwas sa sakit. Dahil dito ay kailangang maglagay ng sipilyo, toothpaste, shampoo, sabon, at tisyu sa bag.

5. Pera, ID, at importanteng dokumento

Siguraduhing may dalang pera upang may kakayahang makabili ng mga kakailanganin sa panahon ng sakuna. Dapat ay may barya, para hindi mahirap suklian sa panahon ng sakuna. 

Mabuti ring magkaroon ng pagkakakilanlan ang bawat miyembro ng pamilya sa panahon ng sakuna, kaya kailangang magdala ng ID at mahahalagang dokumento.

6. Powerbank

Mahalagang may powerbank, para hindi agad maubusan ng baterya ang cellphone at iba pang electronic devices na maaaring magamit upang makausap ang ibang tao.

7. Ilaw at radyo

Maaaring maging madilim kung gabi, at kapag mawalan ng kuryente kaya kailangang magdala ng flashlight at baterya, kandila, at posporo. 

Kung may mabibiling LED torch light, siguraduhing matingkad ang kulay nito para rin nakikita ito agad.

Mainam din kung makapagdadala ng radyo dahil mahalagang may mapagkukuhanan ng impormasyon sa panahon ng sakuna. Minsa'y ito rin ang matitirang paraan upang makipag-ugnayan sa ibang tao.

Kapag naisalansan na ang mga gamit na ito sa bag, ilagay ito sa isang lugar sa bahay kung saan madali itong makukuha. 

Maliban sa paghahanda ng survival go-bag, mabuti rin kung makapagpaplano na ang pamilya ng gagawin sakaling tumama ang sakuna. 

Pagplanuhan ang lugar na maaaring pagkita-kitahan sakaling magkahiwa-hiwalay, o kaya'y sundan ang plano na inilatag ng mga pampublikong opisyal.

Mainam ding talakayin ng pamilya ang mga sakunang maaaring tumama sa bansa, partikular na sa lugar na tinitirahan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.