Paano matutulungan ang mga taong may depression?

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 04:31 PM

Malaking tulong umano sa mga taong depressed ang pagkakaroon ng "sounding board" o makikinig sa kanilang mga saloobin.

Ayon kay Randy Borromeo, assistant executive director ng Shepherd's Voice RTV Foundation, mas makakatulong ang makinig sa mga taong nakakaranas ng depresyon kaysa sa pagbibigay ng payo sa kanila.

"Alam mo minsan, kailangan lang natin ng makakausap at makikinig. Minsan, 'pag may depressed, makinig ka lang, hayaan mo lang siya magsalita," aniya.

Dagdag pa ni Borromeo, maaari ring tulungan ang isang taong depressed na magkaroon ng mas positibong pagtingin sa buhay.

"Minsan mas maganda na makinig, dahil ang mga taong nade-depress, gusto lang niyan ng sounding board. Tapos tulungan natin silang magkaroon ng positive outlook by focusing on the more positive areas of the person's life," paliwanag ni Borromeo.

Maari rin umanong ang taong may depression na rin mismo ang makaisip ng solusyon sa kanyang problema matapos may makinig sa kanyang saloobin.

"Dahil mas effective kapag nanggaling sa kanya mismo," ani Borromeo.

Hindi rin umano masamang makaramdam ng kalungkutan, pero kinakailangan na itong gawan ng paraan kung nakakaapekto na ito sa pamumuhay ng isang tao.

"Depression kasi starts with disappointment. Tapos 'pag paulit-ulit siya, naawa ka sa sarili mo, talagang guguho ang mundo," ani Borromeo.

"Okay lang na i-feel natin 'yung feelings eh. We're not supposed to deny the feelings. Ramdamin natin siya, pero kung 3 buwan ka nang hindi naliligo, at saka nagkukulong ka sa kwarto, ayaw mo makipag-usap, baka sobra na," dagdag pa niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.