400 birdhouses sa Bolinao, Pangasinan, dinarayo

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 06:49 PM

Kung naghahanap ng relaxation, may isang lugar sa Bolinao sa Pangasinan na puwedeng puntahan kung saan hindi lang mga turista ang mga dumadayo kung hindi pati na rin ang mga ibon.

Dinarayo ng iba't ibang turista ang nakare-relax na 400 na birdhouse sa probinsiya ng Bolinao, Pangasinan kung saan presko at tanging huni lamang ng mga ibon at alon ng dagat ang maririnig.

Ang Bolinao ay binibisita ng iba't ibang species ng ibon kaya perfect ito para sa mga gustong mag-relax.

Ayon kay Charlie Ledesma, kumakalma ang kaniyang isip sa tuwing naririnig ang mga huni ng ibon.

Gawa naman ni Michael Parayno ang mga birdhouse at nagsimula ang kaniyang hilig sa pag-aalaga ng ibon nang i-rescue niya ang isang sugatang ibon noong bata siya at saka niya nakahiligan ang paggawa ng mga birdhouse para may matirhan ang mga napadadaang ibon.
     
Dalawampung taon na siyang gumagawa nito na naging negosyo pa niya sa Amerika.

Ani Parayno, sa tuwing may mga turistang dumarating, hindi niya pinapayagang lumapit ang mga tao sa birdhouse dahil iniiwasan niyang masaktan ang mga ibon. Maaari lamang nilang kuhanan ng litrato o tingnan ang mga ibon, dagdag ni Parayno.

Ilan din sa mga madalas mamasyal sa lugar ay ang mga ibong maya. Mayroon ding hummingbirds at pati na rin mga kingfisher bird. 
 
May mga cottage na malapit sa birdhouse na puwedeng rentahan para ma-enjoy ang view ng West Philippine Sea mula SCTEX Tarlac City Exit.

Samantala, dalawa hanggang tatlong oras ang biyahe papuntang Bolinao na sikat din sa ipinagmamalaki nilang Patar White Sand beach.-- Ulat ni Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.