Paano magtagumpay sa negosyong franchising?

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2017 06:16 PM

Mabilisan kung kainin ang mga meryendang inihahain ng 'Snack Attack'. Halos agaran din nang dumating ang tagumpay sa may-ari ng franchising business na ito.

Matapos mag-resign mula sa 7-taong trabaho bilang medical representative, binuo ni Noel Andres ang plano para sa negosyo, at nangutang muna sa magulang ng kapital upang mabuo ang unang tatlong kiosks ng 'Snack Attack'. 

Humigit-kumulang isang buwan mula nang mag-umpisa ang negosyo, dumagsa na ang mga interesadong mag-franchise sa 'Snack Attack'. 

Ngayon, wala pa mang isang taon mula nang simulan ng dating medical representative at asawa nito ang 'Snack Attack', mayroon na itong 10 branches na pagmamay-ari nina Andres at 105 na franchised branches sa loob ng Metro Manila at Luzon. Nakapagpatayo na rin siya ng sarili nitong warehouse at commissary o pagawaan ng kanilang mga produkto.

Ayon sa ilang franchisee ng negosyo, naging interesante para sa kanila ang ideya ng produkto dahil sa kakaiba nitong packaging. Nakapatong kasi ang meryenda, gaya ng fries, nachos, hotdogs, cheese sticks, at nuggets, sa ibabaw ng inumin, kaya naman madali itong kainin lalo na para sa mga taong nagmamadali o 'yong mga laging 'on-the-go'.

"Novel 'yong idea na ang drink at food, nasa isang packaging lang," sabi ng franchisee na si Arrian Lim, kaya niya naisipang mag-franchise ng 'Snack Attack'.

Para kay Andres, hindi lamang ang pagkakaroon ng kita ang layon ng kanyang negosyong franchising, kung di ang pagtulong mismo sa mga taong nais magnegosyo. 

"No'ng tinayo naman namin ang franchising, ang goal namin, di naman na kumita nang kumita sa franchise. Ang goal namin, mai-share namin kung ano 'yong nakukuha namin through franchise," aniya.

Bukod pa rito, mahalagang ituring na 'partners' ang mga franchisees dahil sila ang tutulong sa pagpapaasenso ng negosyo. Kaya naman, todo ang suporta ni Andres sa kanila. 

"Mag-invest ka sa mga kasama mo, sa tao. Sila 'yong tutulong sa iyo. Kahit gaano kaganda 'yong product mo, kung walang magpo-promote, walang mangyayari. You treat them as your family. You treat them as part of your growing company."

Sinisiguro rin niyang maayos ang pupuwestuhan ng franchise, at dadaan sa training ang taong mag-aasikaso nito. Sina Andres mismo ang nagbibigay ng libreng training sa mga nagfa-franchise.

"'Pag nakakita ka ng location. We need to check first the location. Kung wala kang mahanap na location, kami mismo magbibigay sa'yo ng location na nakita namin. Once na mag-operate ka na, before na mag-operate 'yan, automatic, kailangan mong mag-undergo ng one-week training."

Mahalaga rin umano ang patuloy na pag-alalay mula sa pagbubukas ng franchise, hanggang sa mag-operate na ito. 

"On the first day of opening mo, nandoon kami para alalayan ka. Weekly, may mga staff kami na pumupunta. In terms of supplies naman, we ensure the logistics are ready lagi para i-deliver 'yong pangangailangan mo. Free delivery 'yan, wala kaming china-charge. 'Yong support system namin, very open 'yong communication namin sa franchisee. I created a quality assurance team just to make sure na ma-address lahat ng mga problems," aniya.

Dahil din 'partners' ang turing ni Andres sa mga franchisee, maging sa pagmo-monitor at pagbibigay ng payo kaugnay ng pera ay ibininabahagi ni Andres. 

"We have our templates, our programs, just to ensure na makita talaga ng franchisee, lalo na kung wala silang idea kung paano ba magmonitor ng finances nila. Nandoon din kami nakaantabay para ma-check 'yong financial capabilities and 'yong status ng mismong franchisee."

Aniya, susi rin sa tagumpay ng isang franchising business ang mataas na kalidad ng produkto, pati na ang consistency sa lasa nito sa bawat branch. 

"Sa franchise business kasi, hindi puwedeng sa branch na ito, ganito ang natikman mo, tapos sa ibang branch, iba na naman. Ang product development, quality assurance, operations, dapat consistent."

Mahalaga ring maging disiplinado at laging handa sa ano mang kahaharaping problema sa negosyo. 

"'Yong disiplina mo sa sarili mo. Kung may pinasok kang negosyo, 'wag mong asahan na maganda agad. Kung baga lagi kang nakatingin na eventually, magkakaproblema at magkakaproblema. Once na tinanggap mo na magkakaproblema 'yan, magiging proactive ka para bantayan 'yan. It turns out na lahat ng mga darating na problema, masosolusyunan mo agad," aniya.

Huli, mabuting magkaroon ng tiwala at pananampalataya bilang sentro ng buhay at negosyo. 

"Kung ang sentro ng buhay mo is 'yong nasa taas, kung may takot ka sa Diyos, kung bibigyan mo ng pagkakataon si Lord na gumawa at kumilos si Lord para sa iyo, susunod at susunod iyon."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.