15 anyos na pintor, natupad ang pangarap mag-solo exhibit

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2017 09:25 PM

Sa murang edad na 15 anyos, nakapag-'solo show' na si Luke Alarcon, isang batang pintor na dati'y nangangarap lamang na maipakita sa mundo ang kanyang galing. 

Labindalawang taong gulang si Alarcon nang magsimula ang karera niya bilang pintor. 

"Doon ako talaga nag-start humawak ng mga oil paint, mag-start mag-painting. No'ng 12 years old ako, nag-e-exhibit na rin sina kuya, so na-expose ako. Sabi ko, 'astig pala 'yong art scene'," kuwento ng child prodigy. 

Bata pa lamang si Luke, todo suporta na ang kanyang pamilya sa kanyang pagpipinta. 

"Nakita namin siya na pa-drawing drawing dati. Minsan, di nga namin maintindihan, pero sabi namin 'ang galing mo!' Tinuruan siya ng mga kuya niya about oil painting, hanggang nasanay na siya. Sinama siya ng mga kuya niya sa group show," kuwento ng kanyang amang si Emil. 

Hindi naman naging madali ang pagpasok ni Alarcon sa art scene. Nagsimula lamang siya na inilalako ang mga obra niya sa mababang halaga. 

"Dati, 'yong mga painting niya, nilalako pa namin sa mga gallery. Binibili mga painting niya sa halagang P3,000, P5,000, hanggang sa sinabi sa kanya na sumali sa ganitong show. 'Yong mga iba hindi maniwala na gawa 'yon ng 13 years old, 14 years old," dagdag ng ama niya. 

Sa solo exhibit ni Alarcon ngayon, ipinakita niya ang kanyang mga obrang tradisyonal na hinaluan ng mga makabagong kulay. 'Classical with a modern twist' ang tema ng mga obra ng child prodigy. 

"'Yong classical painting po, ang ibig sabihin po 'yong classical manners dati, tapos 'yong drip naman po na may neon colors tapos may bullet holes, 'yong po 'yong modern art. 'Yon po 'yong modern society ngayon na parang nakakalimutan na 'yong mga, parang sinisira niya 'yong discipline ng classical manners," paliwanag ni Alarcon. 

Ngayon, patuloy pa rin si Luke sa pagpapaunlad ng sarili at talento, upang mahanap ang kanyang 'true identity'.

-- Ulat ni Migs Bustos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.