Pooh, nagbukas ng lechon stall sa food park sa QC

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 11:38 AM

MANILA -- Ipinasilip ng komedyanteng si Pooh ang kanyang food business sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles.

Si Pooh ang may-ari ng Gara's Lechon Bacolod na isa sa mga food stall sa Yarda Food Hub sa Kingpoints Subdivision, Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City.

"Matagal na akong fan ng lechon. Gustong-gusto ko talaga ng lechon. Gustong-gusto ko siyempre (ang lechon) ng Bacolod," ani Pooh.

"Yung Gara, galing 'yan sa initials ng mga ka-partners ko," dagdag ng komedyante.

Pag-amin ni Pooh, isa din sa tumulong sa kanyang food business ang aktres na si Karla Estrada.

"Sa mga hindi nakakaalam, napakalaki ng utang na loob ko kay Momshie Karls kasi lahat ng ito (bubong) siya ang nagpagawa, pati trellis namin. Kulang na lang siya ang mag-design nito, grabe," ani Pooh.

Para kay Karla, masaya siyang makatulong sa kaibigan.

"Kasi natuwa din ako kay Pooh. Nakakatuwa na may business ka, gusto mong may marating ang pera mo," ani Karla.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.