ALAMIN: Iwas-sipon, iwas-sakit sa baga tips ngayong tag-ulan

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 07:08 PM | Updated as of Aug 23 2017 01:00 AM

Tuwing panahon ng tag-ulan, uso ang mga sakit, lalo na ang sipon at mga sakit sa baga gaya ng bronchitis, pneumonia, at asthma. 

Hirap na sa paghinga, pahirap pa sa bulsa ang pagkakaroon ng sakit sa baga, lalo't patuloy itong nagiging sanhi ng pagpapaospital at maging ng pagkamatay, ayon sa Philippine College of Chest Physicians (PCCP).

Upang maiwasang magkasakit ngayong panahong maulan, at dahil National Lung Month ang buwan ng Agosto, nagbahagi ng ilang simpleng tips ang mga eksperto na sina Dr. Alberto Nolido, Jr. at Dr. Glynna Cabrera ng PCCP.

 Panatilihing tuyo at mainit ang katawan

Aniya, karaniwang nagkakaroon ng viral infections tuwing taglamig at tag-ulan, kaya mahalagang manatiling tuyo at mainit ang katawan tuwing malamig at masama ang panahon. 

"Ang gustong environment ng virus, 'yong wet and cold environment. Kapag wet and cold 'yong nae-expose ang isang tao, mas prone siya sa viral infections. Kaya mas maraming viral infections 'pag tag-ulan kasi 'yon ang gusto ng virus".

Dagdag niya, "Huwag kayo magpapa-expose sa ulan. Have enough rest. 'Pagka naulanan na, make sure you dry yourself right away".

Uminom ng bitamina C 

Importante ring uminom ng vitamin C para mapalakas ang resistensiya o ang immune system. Ito ang kumokontra sa paglaganap pa ng virus sa katawan.

Magpahinga at mag-ingat sa iinuming gamot o antibiotics

Iginiit din ni Nolido na huwag basta-bastang uminom ng antibiotics bilang self-medication. Maaaring masanay ang virus dito, at di kalaunan ay di na tumalab ang antibiotics sa katawan. 

"Most of the time viral infection 'to. Ang virus naman self-limiting 'yan. As long as you keep yourself healthy, have enough sleep, have enough rest, the proper nutrition and proper preventive measures, ang virus mawawala kusa yan."

Agapan ang paglala ng sintomas ng sakit sa baga

Babala ni Dr. Nolido, maaaring mauwi sa bronchitis at pneumonia ang viral infection kapag hindi nagamot nang mabuti.
 
"Kung tumagal ng 7-10 araw ang ubo, kung dumami ang plema, naging berde ang plema, saka magpunta sa doktor baka kailangan ng antibiotics. Lalo na kung may kasama na hapo o hingal, then pumunta na sa doktor ninyo." 

"Pero ang first 5-7 days na ubo't sipon lang, kaya ho ng katawan 'yan, just keep yourself healthy, have enough sleep, have enough rest."

Magpabakuna bago ang tag-ulan

Ayon sa mga doktor, ang pagpapabakuna bago pa dumating ang tag-ulan ang isa sa paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng flu at pneumonia. Nakatutulong ito sa pagpapatibay ng resistensiya.

Kung may iniinom na maintenance na gamot, ipagpatuloy ang pag-inom nito nang regular

Samantala, laganap din ang asthma at chronic obstructive pulmonary disease (COPD) kapag tag-ulan o masama ang panahon dahil maaari ding maging dahilan ng pag-atake ang virus na dala nito.

Para sa mga kaso ng COPD, kailangang mapanatili ang maintenance medication araw-araw.

"To prevent an attack dapat po ginagamit ang maintenance medication araw-araw hindi lang po 'pag nag-aantay ng atake", ani Dr. Glynna Cabrera.

Magtungo sa 'smoking cessation clinic' kung nais nang huminto sa paninigarilyo

Paulit-ulit namang nagpapahayag ang mga doktor na tumataas ang bilang ng mga sakit na may kinalaman sa paninigarilyo tulad ng emphysema at lung cancer.

Kaya napakaimportante umano ng mga 'smoking cessation clinic' para sa mga nais tumigil sa paninigarilyo.

Matatagpuan ang isa sa mga cessation clinic sa bansa sa Lung Center of the Philippines kung saan mayroong nicotine replacement therapy.

Kontra naman ang PCCP sa paggamit ng vape bilang sagot sa pagtigil sa paninigarilyo dahil mayroon din umano itong panganib na dulot ng mga kemikal sa electronic juices.

--Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.