Matulunging jeepney driver, binigyang-pugay sa "ASAP"

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2017 04:17 PM

Hirap man sa buhay, tumutulong pa rin ang isang jeepney driver sa ibang tao lalo na sa mga estudyanteng nagigipit.

Nag-viral sa social media ang post ng dalawang estudyante na nagkukuwentong hindi na sila pinagbayad ng pamasahe at sinabihan na lang ng driver na mag-aral nang mabuti.

Sa isang munting awitin, binigyang-pugay ang kabutihang loob at pagiging matulungin ni Bonifacio 'Bonie' Buendia sa programang "ASAP L.S.S." ni Jolina Magdangal nitong Linggo, Agosto 20.

Inalay sa kaniya ng Kapamilya singers Juris at Richard Poon ang kantang "Man in the Mirror" ni Michael Jackson.

Ani Buendia, madalas kapag estudyante ang pasahero niya at walang pambayad ng pamasahe, nililibre niya na lang ito at pinaaalalahan na mag-aral nang mabuti.

Hanggang third year high school lang ang natapos ni Buendia at aminado siyang nahihirapan siyang magbigay ng sukli sa mga pasahero lalo na kung buo ang pera.

"Kahit po ako ay driver ay hirap pa rin po akong manukli dahil sa nahirapan po ako talaga sa Math kasi po kahit anong gawin ko eh parang palagi talaga akong na-me-mental block," aniya.

"Minsan nagpapaturo na lang po. Sinasabi ko sa pasahero na eksaktong bayad na lang po. Kung talagang hindi po, ibinabalik ko po 'yung kanilang pera. Kung hindi magbayad po, okay lang sakin."

Doble ang pagod na pinupuhunan ni Buendia sa kaniyang trabaho para lang maitawid ang pang-araw-araw ng kaniyang pamilya.

"Para makabawi po ako, hinahabaan ko na lang po ang oras [ng pamamasada] para makayanan ko po ang boundary."

Bilang padre de pamilya, tinitiis niya ang lahat ng pagod dahil nais niyang guminhawa ang kanilang buhay.

"Bilang driver, gusto kong dalhin ang pamilya ko sa magandang buhay," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.