Negosyong pampaganda ng mag-ina, pang-move on mula sa trahedya

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2017 12:11 AM

Paglikha ng bago at kakaiba mula sa ordinaryo, sa hindi na kapaki-pakinabang, o sa guho — iyan ang pinaniniwalaan ng mag-inang Gladys del Rosario at Mawy Conferido upang umasenso at maging patok ang kanilang mga produkto sa mga tao, lalo na sa mga "millennial" o mga kabataan.

Ilan lamang sa mga kakaiba, organic, at hypoallergenic na produkto sa kanilang negosyong Hello Gorgeous ang lipstick na nag-iiba iba ng kulay depende sa init ng katawan, cat's eye liner stamp, unicorn brush cleanser, roller foundation, at moisturizer na may gold flakes.

Subalit, sa likod ng makukulay na produkto, puso ng kanilang negosyo ang pagbangon mula sa isang malagim na trahedya. 

Ilang taon na ang nakararaan nang sumakabilang-buhay dahil sa brain cancer ang kapatid ni Mawy at anak ni Gladys na si Gelo, ang nagsisilbing liwanag sa buhay ng mag-ina. 

"Sobrang hirap, lalo iyong agony during the time na nagsi-seizures siya, di mo alam paano pahihintuin seizures niya," kuwento ni Gladys.

Tila nawala rin umano ang saya at buhay sa kanila nang yumao si Gelo. 

"Sobrang lively po kasi ng kapatid ko. Parang siya po kasi iyong buhay namin. Namatay siya, and then kami ni mama, di namin alam kung ano gagawin namin kasi parang si Gelo iyong laging nagchi-cheer up sa aming dalawa. So parang nawalan din po kami ng buhay after that," ayon kay Mawy. 

Dalawa na lamang silang natira mula nang mawala si Gelo sa kanilang buhay. Halos malagas din ang kanilang ipon dahil sa mga gastusin sa pagpapagamot noon ni Gelo sa ospital. 

Dahil silang mag-ina na lamang ang magtutulungan matapos ang lahat, naisip ni Mawy na simulan ang makeup line na Hello Gorgeous. 

Nagsimula lamang ito bilang produkto ng spa ng kanyang ina na Skin Line sa Bulacan. Ngayon, nabawi na nila ang kanilang mga nagastos, at marami na rin ang bumibili ng kanilang mga produkto. 

Maging ang spa ng ina ay mayroon nang 16 na branches ngayon sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Pinatutunayan lamang ng mag-inang Gladys at Mawy na mayroong malilikhang maganda at makukulay mula sa mga bagay na simple o mula sa pagkawasak. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.