ALAMIN: Paano ang tamang pangangalaga ng mata

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2017 08:42 AM

Paano ang tamang pangangalaga ng mata upang maiwasan ang pagkabulag? 

Kasama sa listahan ang salamin, ayon kay Dra. Jessica Dy sa programang 'Good Vibes' sa DZMM. 

"Ang glasses kasi ngayon hindi lang pangproteksyon, hindi lang siya panggrado pero talaga it's a protective mechanism para ang mata natin ay maprotektahan against UV and blue light," sabi ni Dy.

Ipinaliwanag din niya na kahit na normal o 20/20 ang ating paningin, maaari ring magsuot ng protective glasses (blue control lenses/blue shield) para maiwas ang mata sa pagtama ng UV o blue light.

Sa tuwing lalabas naman ng bahay at tirik ang araw, aniya, puwede rin namang gumamit ng 'transition lenses' upang awtomatiko nitong mababago ang UV activation ng lente. Para raw itong SPF (sun protection factor) ng ating mata.

Ang blue control lenses ay para sa mga laging babad sa kompyuter at gadgets samantalang ang transition lenses naman ay para sa mga laging nasa labas at laging nabababad sa araw.

Samantala, pangamba ng host ng progtama na si Niña Corpuz, baka raw makaapekto ang salamin sa ating ilong.

"Actually ang mga frame natin ngayon ay ultra-light, you don't really need to worry about the weight, [na] magiging pango sila, mag-iiba development," sabi ni Dy. 

Optometrist vs ophthalmologist

Tanong ni Dra. Luisa, "Ano nga ba ang pagkakaiba ng optometrist sa ophthalmologist?"

Ayon kay Dy, ang optometrist ay nagsasagawa ng refraction, paggagrado sa mata, at pagsukat ng contact lenses. 

Maaari rin na matukoy ng isang optometrist ang mga sakit sa mata at saka ire-refer sa isang ophthalmologist para mabigyang lunas ang partikular na sakit.

Tamang paggamit ng 'eyedrops'

Noong bata pa raw si Corpuz, naglalagay siya ng eyedrops upang magising bagamat napag-alaman niyang masama pala ito.

Paliwanag ni Dy, hindi masama ang eyedrops, pero kailangan na tamang klase ng eyedrop ang ipinapatak sa mga mata.

Isang paalala rin ni Dy ay dapat na regular na mag-'blink' o ikurap ang mga mata nang 20-22 beses lalo na kung laging tutok sa ginagawa sa trabaho. Minsan kasi, aniya, nakalilimutang kumurap dahil sa sobrang pagpokus sa isang gawain.

"So what happens kung nakakalimutan nating kumurap? Ang pagkurap kasi is the pumping station ng mata, siya 'yung nagbibigay ng tubig sa mata. So kung nakakalimutan o nawawaglit natin ang pag-practice ng blinking all the time, natutuyuan ang mata natin.

"That's the time na kakamutin natin kasi medyo humahapdi siya so we rub then we look at the mirror, it's red then and that's the time when we will recommend our patient na gumamit ng artificial tears," paliwanag ni Dy. 

Mahalagang maagang malaman ng isang doktor ang sakit sa mata ng pasyente upang maiwasan ang paglala nito.

"Kailangan, maaga pa lang, papasok pa lang ang toddler sa pre-learning school, pa-check na natin sa optometrist."

Noong 1954, pinirmahan ni dating Pangulo Ramon Magsaysay ang Proclamation No. 40 na nagtatakda sa buwan ng Agosto bilang 'sight-saving month'. Layon ng proklamasyon, sa tulong ng Department of Health, na maiwasan ang mga sakit sa mata na maaaring magdulot ng permanenteng pagkabulag.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.