'Pagtagay ng alak, serbesa, pampahaba ng buhay'

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 10:20 PM

Karaniwan nang kapag may handaan, bibida ang alak, serbesa, at mga pulutan.

At kung pagbabasehan ang isang pag-aaral, hindi lang pang-kasiyahan ang alak at serbesa. Maaari rin itong pampahaba ng buhay.

Kinumpirma ng isang pag-aaral na maaaring makatulong sa pagpapababa ng tsansang maagang mamatay ang minsanang pag-inom ng isa hanggang dalawang baso ng alak o serbesa. 

isinagawa ang isang pag-aaral sa mahigit 333,000 respondents sa Amerika kung saan inobserbahan sa loob ng walong taon kung paanong nakaaapekto ang kanilang pag-iinom sa kanilang tsansang mabuhay. 

Kumpara sa mga taong hindi kailanman nakatikim ng alak o serbesa, ang mga umiinom nang katamtamang dami lamang ay 20% mas mababa ang tsansang mamatay nang maaga, o nang dahil sa kahit anong sakit sa puso, ayon sa pag-aaral. 

Pero lumabas din sa pag-aaral na ang mga malalakas uminom ay may 10% mas mataas na tsansang mamatay sa kahit anong dahilan. Maaari ring magkaroon ng 20% tsansang magkaroon ng kahit anong uri ng cancer na ikamamatay rin nang maaga. 

Kaya naman, kung iinom man ng alak, uminom lamang nang katamtaman, payo ni Dr. Bo Xi ng School of Public Health sa Shandong University sa China.

Matagal nang iniuugnay ang sobrang pag-inom sa mga sari-saring sakit, gaya ng sakit sa atay, sakit sa puso, at iba-ibang uri ng cancer. 

Gayumpaman, may mga nakaraang pag-aaral na nagpapahiwatig na maaaring may kaugnayan ang minsanang pag-inom sa pamumuhay nang mas matagal. 

Sa panahong isinagawa ang pag-aaral, 34,754 katao ang namatay, kasama na ang 8,947 na namatay dahil sa mga sakit sa puso, at 8,427 dahil sa cancer, ayon sa mga mananaliksik sa Journal of the American College of Cardiology. 

Tumaas naman ng 25% ang tsansang mamatay sa mga manginginom na lalaki habang isinasagawa ang pag-aaral. Samantala, mas mataas naman nang 67% ang tsansang mamatay dahil sa cancer ang mga hindi nakatikim ng alcohol kailanman.

Sa pag-aaral na ito, iginiit naman ng mga mananaliksik na umasa sila sa memorya at sagot ng mga kalahok ukol sa kung gaano karami ang kanilang nainom at kung kailan. 

Hindi naman sigurado ang mga mananaliksik kung bakit napabababa ng katamtamang pag-inom ang tsansang mamatay, ayon kay Dr. Eugene Yang ng University of Washington School of Medicine.

Subalit, ayon kay Yang, maaaring bawasan ng alcohol sa alak at serbesa ang posibilidad na mamaga at magkaroon ng bara ang mga ugat. Maaari rin nitong pataasin ang good cholesterol at mga antioxidant sa katawan.

Iwasan na lamang ang sobra-sobrang pag-inom nang araw-araw o nang sobrang dalas, payo ni Dr. Gregory Marcus ng University of California, San Francisco. 

Dagdag pa niya, kung naaadik na sa alak at serbesa, pinakamainam na ihinto na nang tuluyan ang pag-inom nito o kaya'y humingi ng tulong mula sa espesyalista para matigil ang bisyo. 

-- Isinalin mula sa ulat ng Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.