Mga 'makabagong makata', nagbigay-pugay sa wikang Filipino

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 10:08 PM | Updated as of Aug 16 2017 01:20 AM

Nagbigay-pugay ang ilang 'makabagong makata' sa paggamit ng Filipino ngayong Buwan ng Wika.

Malaki ang utang na loob ni Beverly Cumla sa wikang Filipino dahil ito aniya ang kanyang gamit para makilala bilang spoken word artist. 

“Ang wikang kinalakhan ko ang nagpakilala sa akin sa mundo. Dito ako yumabong. Dito ako nakilala ng ibang tao,” ani Cumla.

Adbokasiya niya ngayon ang pagpapayabong ng paggamit ng wikang Filipino sa literatura.

Naniniwala naman ang FlipTop artist na si Plazma na gaya ng Pambansang Bayani ng Pilipinas na si Jose Rizal, puwedeng magsilbing armas ang wika para makapag-impluwensya at magbigay-inspirasyon.

“Si Jose Rizal ang pruweba na pagdating sa anumang giyera, maaari tayong manalo gamit ang matatalim na mga letra. At kapag may naimpluwensyahan ‘yun ay malaking karangalan sapagkat misyon ko din ang maging inspirasyon sa lansangan,” ayon kay Plazma.

Para naman kay Juan Miguel Severo na kilalang spoken word artist, may ilang bagay ang mas magiging matimbang kung ipahahayag gamit ang wikang nakagisnan, at hiling niya na sana hindi lang tuwing Agosto inaalala ang ganda ng sariling wika.

“Napakahalaga ng Buwan ng Wikang Pambansa, pero sana hindi lang ito tuwing Agosto,” ayon kay Severo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.