Dating OFW, may depresyon, ngayo'y asensado sa home-based negosyo

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2017 06:39 PM

Tatlong taong nagtrabaho sa Dubai si Princess Rosario sa pag-aakalang doon makatitikim ng tagumpay. Subalit hindi niya akalain na sa pagbabalik niya sa Pilipinas, makapagtatayo siya ng home-based na negosyong tutulong sa kanyang makabangon. 

Taong 2009 nang bumalik si Rosario sa bansa, at noong taon ding iyon namatay ang kanyang ina dahil sa depresyon. 

Dahil sa pagkalugmok ni Rosario, nagkaroon ng panahong pati siya ay hindi makapag-isip nang tama, hindi na makakain, at laging nagkakasakit. 

Muntik na rin umano siyang mawala sa mundo, dahil sa tindi ng kanyang depresyon. 

Gayumpaman, sinubukan niyang bumangon sa pamamagitan ng kanyang hilig sa pagluluto. 

Nagsimula siya sa pagluluto ng mga homemade pasta at pagbebenta ng mga damit, ngunit tumagal lamang ito ng ilang buwan. 

Dito siya nagsimulang magbasa pa kung paano mapalalago at mapapaasenso ang negosyo. 

"Nagbasa ako ng successful stories, and ways para mag-click ang business. If you want your business to succeed, kailangan 'yong business mo is kilala ng tao and may some twist."

Dahil sa pagbabasa niya, naisipan niyang gumawa ng leche flan 'with a twist'.

Noong panahong iyon, patok ang matcha o ang green tea na flavor sa mga pagkain, kaya naisipan niyang ilagay iyon sa leche flan. 

Ipinatikim niya ito sa mga kamag-anak, at nang makakuha ng positibong sagot, saka niya ito ipinost sa social media.

Doon na nagsimulang magtanong-tanong at maging interesado ang mga netizen. Mula noon, pumatok na ang kanyang mga leche flan with a twist. Tinawag niya ang kanyang negosyong 'What's your Flan?'.

Ngayon, mayroon nang sampung flavors ang kanyang mga leche flan, gaya ng green tea matcha, mango float, strawberry with cashew, Reese's, at Oreo with caramel. 

Higit 100 kada araw ang leche flan na dinedeliver niya sa mga restaurant at sa mga interesado sa social media. 

Mayroon na rin siyang higit 40 resellers ng kanyang produktong leche flan. 

Para sa mga nais ding magnegosyo mula sa sariling tahanan, payo ni Rosario: "Kailangan alam mo 'yung market mo muna. Start with your circle of friends and family. Make sure na ipatikim mo muna. Kailangan makakuha ka muna ng feedback."

Paano magsimula ng negosyong leche flan sa puhunang P105?

Sa puhunang P105, maaari nang makabili ng mga sangkap para sa limang liyanerang leche flan. Makatutubo ng P30 hanggang P40 kada mabebentang leche flan. 

Upang makagawa ng limang liyanera nito, ihanda ang mga sumusunod na sangkap:

12 itlog
isang tasang evaporated milk
isang latang condensed milk
vanilla
asukal

Paghalu-haluin sa isang lalagyan ang 12 egg yolks. Paikot dapat ang paraan ng paghahalo.

Ihalo ang evaporated at condensed milk, saka ito patakan ng vanilla. 

Lagyan ang liyanera ng caramelized sugar. 

Salain naman ang pinaghalong itlog, gatas, at vanilla habang isinasalin ito sa liyanera. Ito ay upang maiwasang maisama ang buo buo, dahil ito ay magiging matigas kapag naluto.

Takpan ng foil ang liyanera upang hindi matuluan ng tubig kapag naging moist sa steamer. 

I-steam ito nang 45 minuto hanggang isang oras. 

Pagkatapos ay palamigin muna bago ilagay sa ref. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.