ALAMIN: Iba't ibang paraan ng pagpapaputi

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2017 06:49 PM

Naglipana ang mga produktong pampaputi ng balat sa pamilihan. Pero ayon sa isang eksperto, bukod sa panlabas ay dapat ding bigyang pansin ang ugat ng pag-itim nito.

Sa programang 'Sakto' sa DZMM, sinabi ng dermatologist na si Dr. Melanie Chao-Lo na madalas 'cosmetic' ang dahilan sa pagpaputi ngunit kailangan din aniyang suriin ang balat dahil maaaring dito makikita ang sintomas ng mas malalim na problema sa kalusugan.

“‘Yung mga nasa singit naman at saka sa mga underarms, ang problem naman diyan is hindi lang cosmetic ang concern natin. We have to first think about kung merong mga underlying conditions like marami po kasing diabetic tapos may mga iba’t ibang klaseng sakit like Wilson's disease, Addison's disease na ‘yun ‘yung unang presentasyon, na nangingitim po ‘yung kili-kili,” paliwanag ni Chao-Lo.

Kapag naman nakumpirma nang walang problema sa kalusugan, sunod na ipinapayo ng doktor na magbawas ng timbang dahil may kinalaman din aniya ito sa pag-itim ng balat.

Bukod sa paniniguro na maayos ang kalusugan at pagbabawas ng timbang, nagbigay din ang doktor ng iba't ibang paraan ng pagpapaputi.

Ayon kay Chao-Lo, isa ang paggamit ng baking soda sa mga mura at ligtas na pamamaraan ng pagpapaputi. Maaari aniyang ibudbod sa ito sa kili-kili o haluan ng tubig at gawing spray. Pero paalala niya, huwag itong dadamihan.

Makabubuti rin aniya ang paggamit ng kalamansi, apple cider, at lemon ngunit maaari ring magkaroon ng iritasyon sa balat dahil acid ito kaya gumamit lamang ng katamtamang dami nito.

Ipinayo niya rin na katamtaman lang din dapat ang paggamit ng kojic, malic acid, at mandelic acid lalo na sa kili-kili.

Pagdating naman sa glutathione na kilalang pampaputi, ayos lang din aniya itong gamitin kapag walang problema sa kalusugan. Pero paalala niya, hindi lahat ng gumagamit nito ay pumuputi. Kailangan ding umiwas sa araw.

Bagaman hindi pumuputi ang iba dahil sa glutathione, nagdadala naman aniya ito ng 'glow' sa balat.

Samantala, ipinaalala rin ni Chao-Lo na hindi nakakaputi ng kili-kili ang deodorant dahil tila perfume lamang ang mga ito na nag-aalis ng amoy.

Pero paalala niya, ang amoy ay dala ng bacteria sa bahagi ng katawan. Mainam aniya na tutukan muna ang mga bacteria na iyon. Kapag nawala na ang amoy, ipinayo ng doktor na gumamit na lamang ng antiperspirant upang maiwasan ang labis na pagpapawis.

Sa huli, sinabi ni Chao-Lo na hindi dapat labis ang anumang ilalagay sa balat.

Banggit pa niya "brown is beautiful" dahil ibig sabihin nito ay maraming melanin na panlaban sa araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.