Manager ng bangko, iniwan ang trabaho para mag-rap

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 08:56 PM | Updated as of Aug 11 2017 02:42 AM

Isang dating manager sa bangko ang gumagawa ngayon ng pangalan sa larangan ng hip hop music at pagra-rap.

Siya si Philip Pacheco o mas kilala bilang ang rapper na si "Skarm". 

Taong 2009 nang maglabas siya ng unang album.

Naging matunog si Skarm nang mauso ang "FlipTop" rap battles sa bansa. Isa siya sa mga nakikipagtagisan sa kapwa rap artists.

Pero kinailangang talikuran ni Skarm ang pagra-rap para magtrabaho sa isang bangko.

Umunlad din naman si Skarm sa kaniyang propesyon. Naging manager pa nga siya ng isang sangay ng bangko.

Pero dahil daw sa stress ng kaniyang trabaho, nagkasakit si Skarm. Naospital pa siya matapos magkapulmonya at hika.

Kaya naman matapos ang anim na taong pagiging empleyado, nagbalik-loob si Skarm sa kaniyang tunay na gusto--ang hip hop music at pagra-rap.

Aniya, hindi naging madali dahil may ilang malapit sa kaniya na tumutol sa gusto niyang pagbabago ng karera.

Pero desidido si Skarm na paunlarin ang sarili sa kaniyang tunay na hilig.

Ngayon, umaasa siyang makapagbibigay inspirasyon sa lahat ng gustong maabot ang kanilang pangarap.

Abala rin si Skarm ngayon sa promotion ng kaniyang latest album.

-- Ulat ni Migs Bustos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.