Bukol na sinlaki ng bola ng basketball, naoperahan

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 07:29 PM | Updated as of Aug 10 2017 07:32 PM

Nabigyan ng lunas ang malaking bukol na ininda ng 78 anyos na babae sa loob ng 10 taon.

Mabigat na pasanin ni Marina Niñora na mas kilala sa tawag na 'Nanay Maring' ang karamdaman na 10 taon na niyang iniinda: ang lumalaking bukol sa kanyang kanang binti.

Kitang-kita ang hirap niya sa paglalakad dahil sa bigat at laki ng bukol na mas malaki pa sa bola ng basketball. Matagal na niya itong isinawalang-bahala dahil sa hirap ng buhay.

Ayon sa sumuring doktor, sarcoma ang tumubong bukol sa binti ni Niñora at aabot sa P200,000 ang gastos kung ooperahan ito.

Dahil umaasa lamang sila sa buwanang pensiyon ng kapatid na si Flora Niñora at tulong ng mga kaanak, hindi nila kaya ang halagang ito.

Pero sa tulong ng iba’t ibang grupo, libre ang operasyon ni Niñora at naging matagumpay ito. 

Makalipas ang ilang araw, excited siyang hinintay ng kanyang mga kamag-anak at kapitbahay. Sinalubong din siya ng mga halik at yakap.

Isa si Niñora sa daan-daang taga-Antique na nabiyayaan sa free surgical mission ng Tabang Antique, isang non-profit organization.

Kaisa rin sa proyektong ito ang mga surgeons at medical students ng Medical Mission Incorporated ng University of Santo Tomas, at ang St. Luke's Medical Center.

Namahagi rin ang Lingkod Kapamilya ng daan-daang hospital bed sheets sa Antique Provincial Hospital.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.