Kailan nakasasama ang pag-inom ng supplements, labis na workout?

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2018 06:03 PM | Updated as of Aug 09 2018 08:46 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagulantang ang followers ni 2013 Miss International Bea Rose Santiago matapos niyang isiwalat sa social media na siya ay may sakit sa bato. 

Ang kaniyang nakikitang dahilan ay ang pagkaka-damage ng kaniyang kidney noon at ang labis na paggi-gym ngayon. 

Hindi raw niya akalain na hahantong sa pagkakasakit ang pinaniniwalaang healthy at active lifestyle. 

"For me to go through one week straight [of] really heavy workout and I was taking this pre-workout [pa] so it really caused a lot of damage and sobrang taas ng creatinine ko," ani Santiago. 

Ayon sa isang nephrologist, ang chronic kidney disease ay ang matagal nang pagkakasakit ng kidney. 

"Hindi na nagagampanan ng ating mga bato ang pagtanggal ng dumi at tubig sa ating katawan... [Dahil ito sa] excessive salt intake, poor sugar control, and other chemicals. Those add up to the burden of the kidney," paliwanag ni Dr. Rolando dela Cruz ng East Avenue Medical Center.

Pero maaaring maiwasan ang paglala nito kung malalaman nang maaga at mabago ang unhealthy lifestyle. 

Bagama't maraming positibong epekto ang pagwo-workout, paalala ni Dela Cruz ay dapat itong sabayan ng pag-inom ng maraming tubig. 

"For you to build muscle, you have to break tissues. So saan mapupunta 'yung waste material na 'yun? The best way to address that problem is to be hydrated."

Sa ngayon, tigil muna sa workout si Santiago habang sinusunod ang istriktong diet.

Payo rin ng mga eksperto na bukod sa pag-inom ng anim hanggang walong baso ng tubig kada araw, sumailalim sa urinalysis taon-taon at magsabi sa doktor kung laging umiinom ng mga gamot lalo na ng painkillers. 

—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.