OFWs sa Singapore, dinadaan sa sports ang pagtulong sa iba

Arlene Burgos, ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 10:42 AM | Updated as of Aug 09 2017 12:59 PM

Trabaho ang nagtulak kina Jenna Pascua at Nelly Las Piñas para makipagsapalaran sa Singapore. Pero sa panahong naho-homesick sila, naiibsan daw ang pangungulila sa pagsali sa mga sports activities na nangangalap ng pondo o gamit para sa mga nasalantang eskuwelahan o mga batang atleta sa Pilipinas. 

Kaya habang nag-aalaga ng mga anak ng iba at naninilbihan sa ibang pamilya para tulungan ang sariling mga anak, kapatid, magulang, isinisingit nina Pascua at Las Piñas ang pagtakbo o pagbibisikleta para tumulong sa iba. 

Imbes na paggala sa araw ng kanyang day off, mas gusto na ni Jenna Pascua, domestic worker sa Singapore, na lumahok sa sports o mag-volunteer work.

"'Pag uuwi ako (ng Pilipinas), hindi sila makakapag-aral," sabi ni Pascua, 43, patungkol sa 3 anak na dahilan ng pananatili niya sa Singapore ng 12 taon. 

Kumukuha ng kursong Hotel and Restaurant Management ang panganay ni Pascua, habang nasa Grades 12 at 10 ang dalawa pa niyang anak. Si Pascua ay tubong Ilocos, kung saan nagsasaka ng mani at mais ang kanyang napangasawa. Sobrang hirap ng buhay nila, ani Pascua. "Wala talaga, kailangang makisaka." 

Kaya, sabi niya, kapag may sobra siya, namimigay siya ng notebook, lapis, at papel sa mga kapitbahay sa Ilocos. 

Aidha, LIPS, Race2Share

Noong April 2016 lumahok si Pascua sa Tour de Singapore bike ride, fundraising activity ng Aidha, isang non-government organization (NGO) na nagtuturo ng financial literacy sa mga babaeng foreign domestic workers o kasambahay. 

Nakilala ni Pascua sa pagsasanay sa pagbibisikleta si Jennifer Macapagal ng grupong Race2Share, grupo ng mga Pilipinong volunteer trainers sa sports na gumagawa rin ng mga outreach program. 

Nagtuturo ang Race2Share ng wastong pagtakbo, pagba-bike, pagsi-swimming o naglulunsad ng mga paligsahan para mangalap ng pondo o gamit para sa mga tinutulungang eskuwelahan, atleta, o sektor sa Pilipinas. 

Bago matapos ang 2016 ay lumahok si Pascua sa pa-fun run ng Race2Share para sa Blessed Ville Special School, paaralan para sa children with special needs sa Cavite. 

Sa isang fun run na nilahukan ng NGO na kanyang sinasamahan din nakilala ni Las Piñas ang Race2Share. Lumahok sa takbuhan ang Ladies in Power of Service (LIPS), grupo ng mga kasambahay na bumibisita tuwing Linggo sa mga pasyente ng Institute of Mental Health ng Singapore.

Pamilya pa rin ang dahilan kung bakit tumutulong si Nelly Las Piñas.

Dalawampu't pitong gulang na si Las Piñas noong nagpunta siya sa Singapore matapos ma-lay-off bilang factory worker, at hindi sinuwerte sa itinayong sari-sari store; 35 na siya ngayon. Ika-12 siya sa 13 magkakapatid mula sa Laguna. Tulad ni Pascua, umaasa sa pagsasaka ang pamilya niya. 

Sumama siya sa mga gawain ng LIPS "para maging makabuluhan" ang day-off niya, ani Las Piñas. 

'Isang Bangkang Malaya'

Nitong Hunyo ay kapwa sumama sina Pascua at Las Piñas sa koponan ng Race2Share na lumaban sa Independence Day dragon boat race ng Filipino community sa Singapore. Limang Linggo silang nagsanay kasama ang 13 pang kasambahay na Filipino. Muntik na silang manalo. 

Sa Tanjong Rhu Road kung saan tanaw ang Kallang Riverside Park naninilbihan sa isang pamilyang Tsino sa loob ng 3 taon si Las Piñas. Sa isa sa mga ensayo ng grupo niya unang nakita ang dragon boat team. Noon niya hinanap ang taunang paligsahan na 'Isang Bangkang Malaya'. 

Iyon na ang umpisa ng pagsali niya sa mga sports activities ng Race2Share. 

Nitong Hunyo at Hulyo ay naglunsad naman ang grupo ng swimming clinic, kung saan nagtuturo sila kapalit ng swimming caps, rash guard, goggles at kick boards. Para raw ito sa 50 bata sa Batangas na sumasali sa mga lokal na swimming contest pero walang mga gamit. 

Patuloy daw siyang sasama sa mga gawain ng Race2Share, sabi ni Las Piñas. Aniya, sa pagtulong sa iba, parang kasama niya na rin ang sarili niyang pamilya. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.