Paano 'papapasukin' ang suwerte sa pintuan ng bahay?

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 04:38 PM

Pinaniniwalaan sa feng shui na ang pintuan ang daanan ng mabuting pagpasok ng enerhiya sa tahanan, kaya mainam na pangalagaan ito at pagplanuhan nang mabuti ang pagpapatayo at pagdidisenyo nito. 

Ilang tips ang ibinigay ni Master Hanz Cua, isang feng shui master, upang gawing masuwerte ang pintuan at upang mapapasok ang suwerte sa tahanan. 

1. Siguraduhing walang kalat na nakalagay o nakaharang sa pintuan.

Iwasang maglagay ng mga sapatos, walis, dustpan, basurahan, o kahit na anong kalat sa pintuan upang makapasok ang positibong enerhiya. 

2. Lagyan ng liwanag ang pintuan.

Mainam kung maliwanag ang pintuan, lalo na kung gabi, kaya mabuting maglagay ng ilaw rito.

3. Iwasang ipuwesto ang pintuan sa tapat ng pader.

Hindi suwerte kung may malaking pader sa tapat ng pintuan, kaya dapat ay may katapat lamang itong malawak at maaliwalas na lugar na walang kalat.

4. Kailangang matibay ang pinto.

Mabuting pangalagaan ang pinto sa pamamagitan ng paniniguradong hindi ito madaling masira at hindi ito lumalangitngit kapag binubuksan o sinasarado. 

5. Dapat papasok ang pagbukas ng pinto.

Sinisimbolo ng papasok na pagbubukas ng pinto ang pagpasok din ng suwerte. 

6. May mga suwerteng kulay para sa pintuan, depende sa kung saang direksiyon ito nakapuwesto.

Kung nasa hilagang bahagi ito, blue, black o purple.

Kung nasa timog na bahagi ito, red, yellow, orange, o pink.

Kung nasa silangang bahagi, green.

Kung nasa kanluran o hilagang kanluran naman, white, gold, o silver.

Kung nasa timog kanluran, red.

Kung nasa hilagang silangan, yellow.

Kung nasa timog silangan naman, kulay wood o green. 

7. Maaari ring disenyuhan ng mga praktikal na gamit ang gilid ng pintuan, depende sa kung saang direksiyon ito nakapuwesto. 

Kung nasa hilaga, isang basong tubig.

Kung nasa timog, maliwanag na ilaw.

Kung nasa silangan, lagyan ng puno o maliliit na halaman. 

Kung nasa kanluran naman, lagyan ng barya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.