Antigong paraan ng kalakalan, tampok sa isang museo

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2017 10:36 PM | Updated as of Aug 08 2017 12:42 AM

Noon pa man, masigla na ang kalakalan sa Pilipinas sa pagitan ng mga bansa sa Asya, Europa, hanggang Latin America.

Naging bahagi nito ang galleon ng Nuestra Señora del Pilar de Zaragoza, isang malaking barkong bumiyahe para dalhin ang mga kalakal mula Maynila hanggang Acapulco, Mexico noong ika-18 siglo.

Ibibida ang itinatayong replica nitong galleon sa bubuksang "The Manila-Acapulco Galleon Museum" sa isang mall sa Pasay.

May pundasyon na ang pagtatayuan ng mismong galleon sa museo. Inaasahang matatapos ito sa loob ng 17 buwan.

Plano ring magtayo ng isang totoong galleon na nakahimpil sa Seaside Boulevard sa Pasay City kung saan nakatayo ang museo.

Nagkaroon ng soft opening ng museo, kasabay ng idinadaos na Association of Southeast Asian Nations Foreign Ministers' Meeting sa Maynila.

Konsepto ni dating Sen. Edgardo Angara ang galleon museum para maipakilala sa kabataan ngayon ang mayamang kasaysayan ng kalakalan sa bansa.

Naniniwala rin si Spanish Ambassador Luis Calvo na maipapakita ng museo ang naging ugnayan ng Pilipinas, España, Mexico, at Tsina.

Aniya, hindi lang mga produkto ang naikalakal sa pagitan ng mga bansa kundi pati kultura dahil sa paglalakbay ng mga galleon daan-daang taon na ang nakaraan.

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.