Colon cancer, mas tinatamaan ang mga lalaki

Pia Regalado, ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2016 01:28 AM

Ang colon cancer, o cancer sa bahagi ng 1.5 metrong malaking bituka ng isang tao, ay maaaring makabiktima sa babae o lalaki, bata man o matanda.

Sa colon cancer, nagkakaroon ng problema ang isang tao kapag hindi na ina-absorb ng katawan ang likido sa malaking bituka.

Biktima nito ang lagpas isang milyong pasyente kung saan lagpas kalahati nito ay namamatay. Ito ang ikaapat sa pinakapangkaraniwang cancer sa mundo.

Ilan sa nabiktima nito ay ilang kilalang personalidad tulad ng artistang si Charlie Davao at dating Pangulong Cory Aquino.

Pero alam mo bang mas lantad ito sa kalalakihan?

Sa programang "Magandang Gabi Dok," sinabi ng gastroenterologist at pangulo ng Philippine Society of Gastroenterology na si Dr. Derick Dy na mas madalas tamaan ang kalalakihan ng naturang cancer, lalo na ang mga nasa edad 50 pataas.

Mas malaki rin ang tsansang mabiktima ng colon cancer ang mga mahilig sa karne, naninigarilyo, may diabetes, at may namamagang bituka dahil sa lupus.

"In general, we say na ang risk ng colon cancer may be related to the food we eat," banggit nito.

Mataas din ang tsansa na magkaroon ng colon cancer ang mga may kamag-anak na meron na ng naturang cancer.

Maaari rin itong mag-umpisa sa mga polyps, o lamang mala-kabute ang itsura na tumutubo sa loob ng malaking bituka. Sakaling magtagal, cancer ang kahihinatnan nito.

Kaya payo ni Dy, sumailalim sa colonoscopy para masiguradong walang senyales na magiging biktima ng colon cancer.

Paalala niya sa mga pasyente, aabutin lang ng 20 hanggang 30 minuto ang pagsailalim sa colonoscopy.

"Colonoscopy is the only technology that we have right now na pwede makatanggal ng polyp," sabi nito.