Nagde-deliver ng fast food, nagdala rin ng gamot sa batang nilalagnat

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2017 09:39 PM

Hindi lubos akalain ng fast food delivery driver na si Abuer Aaron Santiago na aani ng papuri sa social media ang ipinamalas niyang kabutihan sa pamilya ni Kristine Abigail Cruz. 

Hulyo 26 nang makatanggap si Santiago ng request na isabay sa pagkaing ide-deliver niya ang gamot para sa nilalagnat na isang taong gulang na bata. 

Sa kabila ng pag-ambon noon sa kasagsagan ng bagyo at bagama't may itinakdang oras para mai-deliver niya ang pagkain, binalewala ito ni Santiago upang makabili ng gamot sa tindahan.

Binilisan na lamang nito ang takbo upang makaabot din sa itinakdang oras. 

Aniya, ginawa niya ito dahil alam niya ang paghihirap na nararanasan ng isang magulang. 

"May anak din po ako. Mahirap din pong may sakit ang bata, siyempre naaawa rin po ako," ani Santiago. 

Abot-langit naman ang pasasalamat ni Cruz. 

Sa kanyang Facebook post, ikinuwento ng ina na inaapoy ng lagnat ang kanyang anak noon, ngunit wala silang gamot sa bahay. 

Hindi naman niya ito maiwan upang makabili siya ng gamot dahil walang magbabantay sa bata. 

Dahil mayroon itong nabasa noon na isa ring Facebook post kung saan nagdala rin ng gamot ang isang delivery boy, sinubukan din ni Cruz na makisuyo. 

Hindi nito akalaing dadalhin ngang talaga ni Santiago ang gamot. 

"Sobrang salamat talaga Sir Aaron. Hindi siya nanghingi ng kahit anong kapalit. Tinanong ko siya kung anong puwede kong gawin para sa kanya. Sabi niya, sulatan ko na lang ng commendation yung likod ng resibo," aniya sa kanyang Facebook post. 

Dahil sa ginawang ito ni Santiago, nakatanggap siya ng maraming papuri mula sa netizens. 

Pinuri rin siya ng kanyang boss at nabigyan ng gift check ng pinagtatrabahuhang manpower agency. 

"Nakakataba po ng puso. Nagpapasalamat po ako sa mga nag-like doon sa Facebook. 'Yong ginawa ko po, para sa akin po, tama lang po iyon kasi kung may anak din po kayong may sakit, mahirap din po talaga," aniya.

Sa ngayon, may mahigit 549,000 likes na ito sa Facebook, at higit 70,000 shares.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.