Madaling magalit? Alamin ang 'triggers' ng road rage

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2016 02:52 PM

MAYNILA - Nitong nakaraang linggo lang, naiulat ang pamamaril at pagpatay ng isang Army Reservist sa isang siklista sa Quiapo.

Ang itinuturong dahilan ay road rage. Pero ano nga ba talaga ito at paano ba ito maiiwasan?

Ayon kay Maria Paz Manaligod, PhD, developmental psychologist at chair ng special graduate program sa Miriam College, ang "road rage" ay may iba’t-ibang mga "triggers" o dahilan.

Isa rito ay ang stress sa pang-araw-araw na gawain at ang pagkimkim nito.

Road rage suspect may masamang reputasyon sa barangay?

"There’s this culture na mahirap kung matatalo ako. ‘I have to survive, I have to be on top of things or else mauunahan ako.’ You have those incidences now na nakikita ko na survival mode tayo lahat," paliwanag ni Dra. Manaligod sa "DZMM Failon Ngayon."

Dagdag pa ng doktora na may ibang mga tao na hindi namamalayan kung ano ang kanilang mga triggers.

At dahil nakikimkin nila ito, namumuo ang kanilang galit at bigla na lang sumasabog kapag may insidenteng hindi inaasahan.

Hindi rin makabubuting kimkimin ang galit sa ibang tao dahil posibleng sa mga kasamahan at mahal sa buhay mabunton ito.

Bagama't natural lamang magalit, may mga paraan naman kung paano ito ilabas sa halip na ipunin at pabayaan lang.

Ani Dr. Manaligod, maaaring mabawasan ang galit sa pamamagitan ng paghinga ng malalim, pagbibilang, pakikinig sa musika, at pag-intindi sa situwasyon.

Higit 1,000 siklista kinondena ang Quiapo road rage

Maaari ring maiwasan ang galit sa pamamagitan ng ehersisyo at pakikipag-usap sa ibang tao lalo na ukol sa mga mabibigat na isyung kinakaharap.

Sa pamamagitan nito, hindi makikimkim o magbi-build up ang galit ng tao.

"Importante talaga alamin niyo ang trigger factors niyo. Management 'yan e, kayo rin ang makakatulong sa sarili niyo," ani Dra. Manaligod.

Subalit para naman sa ibang hindi na talaga ma-kontrol ang init ng ulo, kailangan nang magpatingin sa espesyalista.

"May mga sensitive na tao. Sa ganyan, they need more of the know-how, an anger management [session]. It’s good to go to a psychologist," aniya.

"Ang trabaho ng psychologist is really more on preventive measures na bago mangyari ‘yan, meron nang ginagawa para if ever it happens, hindi ganun mangyari," dagdag pa ni Dr. Manaligod.