ALAMIN: Ano ang cervical spondylosis?

Neima Chowdhury, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2016 07:44 PM

Former Philippine President Gloria Macapagal Arroyo REUTERS/Romeo Ranoco

Ilang taon na nang unang maisapubliko na mayroong multilevel cervical spondylosis radiculopathy with kyphosis o pinch nerve si dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. 

Ano nga ba ang cervical spondylosis at ano ang nararanasan ng mayroon nito?

Sa programang "Magandang Gabi Dok" ng DZMM, pinaliwanag ni Dr. Edwin Bien na ang cervical spondylosis ay isang kondisyon kung saan ang pagitan ng dalawang buto sa leeg ay unti-unting numinipis o nawawala na nagreresulta sa pag-uuntugan ng buto at naiipit ang mga ugat sa leeg.

"Sa pagitan ng dalawang buto ng leeg, 'yung cervical vertebrae, mayroong parang padding 'yun e. Parang brake pad to support the bone. Minsan numinipis 'yon. Kung di man numinipis, with certain trauma, pwede siyang mawala sa posisyon," aniya.

Ang mga mayroong cervical spondylosis ay nakararanas umano ng matinding pananakit ng leeg na parang tinutusok o tila nangangalay. Madalas din itong napagkakamalan na stiff neck o sakit na dala lamang ng mataas na blood pressure.

Ayon pa sa doktor, ang cervical spondylosis ay maaring bunga ng pagtanda, trauma, hindi sapat na nutrisyon, labis na stress, obesity, at para sa mga babaeng sumasailalim sa menopause, maaaring lumambot ang buto dahil sa pagkawala ng ilang hormone.

Bilang lunas, maaari umanong uminom ng pain reliever ngunit bukod sa ang ginhawang dulot nito ay panandalian lamang, pwede itong maka-apekto sa kidney. Ang steroids din ay ibinibigay sa pasyente upang mawala ang pamamaga.

Kadalasan umanong ginagawa sa mga pasyente nito ay traction o pinagsusuot ng neck brace upang masanay ang leeg nito na nakatuwid.

Payo ni Bien, magpakonsulta sa orthopedic o neurologist at habang bata pa ay iwasan ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.