Dating miron sa sagala, nakapagtahi para sa mga reyna't prinsesa

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2017 05:58 PM

Pinanonood lamang noon ng isang batang Joemel Calma ang mga Reyna Elenang pumaparada suot ang mga nagkikinangang gown tuwing Santacruzan sa kanilang barrio sa Sta. Cruz, Laguna. 

Baon niya sa kanyang pag-uwi sa kanilang palayan ang mga disenyong ito na siya namang muling lilikhain at pagagandahin pa ng batang designer. 

Sa bawat guhit na kanyang binubuo, lalong umiigting ang kanyang pangarap na gumawa ng marka sa industriya ng fashion. 

"Pangarap ko pong makilala kahit alam kong mahirap po 'yong pagsisimula sa field of fashion kasi alam kong kaya ko po. May kakayahan po ako."

Taong 2014, sa pamamagitan ng programang 'My Puhunan', nakilala ng 24 anyos na Joemel Calma ang batikang designer na si Avel Bacudio, ang tinaguriang 'Asia's Most Influential Fashion Designer' noong taong iyon. 

Ibinahagi ni Bacudio kay Calma ang ilan sa kanyang kaalaman tungkol sa pagdidisenyo ng mga damit. Payo rin niya sa batang designer, "Parating ilagay mo sa utak mo na ang puhunan mo 'yong kahirapan. Iyon ang bubuhay sa iyo."

Ibinaon ni Calma ang mga pangaral ni Bacuidio sa kanyang pagtahak sa landas ng pagbuo ng sarili niyang pangalan. 

Matapos umere ang 'My Puhunan' episode na nagtampok kay Bacudio, nakatanggap si Calma ng alok mula sa isang Pinoy sa Middle East upang magtrabaho doon bilang isang designer. 

Kahit maraming nagtataka kung bakit pa niya kailangang lumipad patungong ibang bansa, tinanggap pa rin niya ang trabaho bilang bahagi ng pagtupad ng kanyang pangarap. 

"Gusto ko mabilis na matupad 'yung pangarap ko na magkaroon ng fashion house, so I grabbed the chance. Sabi ko nga, di ako aalis ng bansa kung di ako magwo-work as a designer."

Agad na lumipad patungong Oman si Calma na ang baon lamang ay P5,000 pisong halaga ng Riyal. 

Nang makita niyang iba na ang hitsura ng kanyang paligid pagdating sa ibang bansa, doon niya napagtantong simula na ng malaking pagbabago sa kanyang buhay, at nasabi sa sariling, "Ito na talaga."

Tiniis niya ang pagkakalayo sa kanyang pamilya sa Pilipinas kapalit ng pagtupad ng pangarap. 

Sa pagtatrabaho niya sa ibang bansa, natutuhan niya ang maraming bagong technique sa pagdidisenyo na nagamit niya sa kanyang personal na pagrampa patungong tagumpay. 

"Na-adapt ang Arab fashion, na kilalang napakagaling lalo na sa beadwork. Pattern-making, so may techniques kung paano mas magandang lalapat sa katawan ang damit, paano mas babagay sa body proportion," kuwento niya tungkol sa mga natutuhan sa Oman. 

Hindi nagtagal, inirampa ang mga damit na likha ni Calma sa mga bigating fashion show, gaya ng sa Mercedes Benz Fashion Week.

Binihisan din ni Calma ang mga reyna at prinsesa. 

"Isa sa mga naging client ko doon ay kapatid ng hari, 'yong magiging asawa rin ng kapatid ng magiging hari," aniya. 

Naimprenta rin sa malaking fashion magazine na Vogue ang kanyang likha. Ibinida rin sa MET gala sa New York at iminodelo rin ng musa ng sikat na fashion designer na si Marc Jacobs.

Sa kabila ng tagumpay na nakamit ni Calma, hindi niya nakalimutan ang kanyang pangarap na makapagtayo rin ng kanyang sariling fashion house. 

Kaya nitong Enero lamang, binuksan ni Calma ang matagal nang minimithing fashion house sa sarili niyang bayan sa Sta. Cruz, Laguna. 

Kahit pitong buwan pa lang ang kanyang shop, tuloy-tuloy na hanggang ngayon ang pagdagsa ng mga kliyente, lalo pa't abot-kaya ang presyo ng kanyang mga likha.

"Kailangan mo ring isaalang-alang na dapat di ka magsimula nang sobrang mahal. Ayaw mong makilala ka ng tao sa ganoon kasi nagpapakilala ka pa lang ng pangalan mo. Hindi din naman pera ang pinakamahalagang bagay sa mundo."

Sunod namang target ni Calma na mas makilala pa sa Pilipinas at sa international fashion scene. Nais din niyang magkaroon ng sariling ready-to-wear line. 

Sa ngayon ay nagpapatayo si Calma ng bahay para sa kanyang pamilya. Ipinagmamalaki rin siya ngayon ng kanyang pamilya pati na ng kanyang bayan. 

Sumasali pa rin sa mga sagala ngayon si Calma, ngunit ngayon, ang mga likha na niya ang ibinibida sa harap ng parada. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.